Ni SEVERINO REYES
(Muling nailathala: LIWAYWAY, Setyembre 3, 1962)
NOONG unang dako, kapag mabuti ang panahon at tahimik ang ilog Pasig; kapag hindi malakas ang agos sa uli-uli, at hindi nag-uumikit at nagpupuyo, ay marami ang nakakakita na lumalabas ang sirena, umuupo sa pampang at nagsusuklay. Marami nang lubha ang nakakita na ang dakong paa, buhat sa baywang, ay may kaliskis, at walang pinag-iwan sa isdang apahap ang buntot. Laging nagugulo ang mga taga-bayan kapag may nakakita sa sirena sa uli-uli, ngunit kapag marami nang taong nanonood ay bigla itong lulubog sa tubig at mawawala na.
Si Siso na anak ni Tininteng Lucio, ay may ugaling maglibang sa gitna ng ilog. Sumakay-sakay sa balsa-balsahang mga tinuhog na buho at nagpapaanod sa agos.
Magandang lalaki si Siso at napakainam ang tindig. Magbabagong-tao pa lamang siya. Tinatagurian siyang Adonis ng mga dalaga sa kanilang pook, subalit hindi pinapansin ni Siso ang mga iyon.
“Ako’y iibig din, ngunit sa sirena ng uli-uli” madalas isagot ni Siso kapag binibiro siya ng mga kaibigan.
Totoo kay Siso ang sinabi niyang iyon. Gumagawa siya ng mga tula at iniuukol sa Sirena. Binibigkas niya sa mga pagtitipon.
Isang hapon, sa pagpapasyal ni Siso sa ilog, sakay ng kanyang balsa-balsahang buho ay dinala siya ng agos hanggang sa puyo ng uli-uli. Walang nagawa si Siso nang higupin ng uli-uli ang kanyang balsa-balsahan. At nang siya’y malalim na malalim na’y naramdaman niyang may bumatak sa kanyang paa. Itinuloy siya sa isang anaki’y kuweba. Sa kaloob-looban niyon ay may tila isang malaking simbahan, na ang pinakapalamuting tabing sa mga pintuan ay kabit-kabit na batong diyamante na may iba’t ibang kulay.
Nagkusot si Siso ng mga mata, pagka’t baka naaalimpungatan lamang siya, ngunit naniwala siya sa katotohanang kanyang nakikita. Hindi nagluwat ay naglabasan ang maraming dalagang pawang nakaputing nanganganinag ang suot at siya’y pinatuloy. Inakay pa siya sa kamay at dinala siya sa kaloob-looban.
“Sino ang may-ari ng lahat ng ito?” ang tanong ni Siso sa mga dalaga.
“Ang nagdala sa iyo rito, ang aming dakilang Reyna.”
“At sino siya?”
“Ang sirena ng uli-uli.”
“Totoo nga pala!” ang sabi ni Siso sa sarili. “Saan siya naroon?”
Sa-lalabas ang Reyna-Sirena na nakasisilaw ang kagandahan.
“Ikaw ba ang Reyna-Sirena?”
“Ako nga… ako si Ena, at natatalagang tumalima sa bala mong iutos; ako’y lingkod mo, Narciso, buhat ppa noong makita mo…”
“Hindi ako makapag-uutos sa isang Reynang dakila. Ngunit ako’y nagtataka. Akala ko ay katawang-isda ang kalahati ng sirena?”
“Tunay ang tinuran mo, kapag kami ay nasa tubig; datapwa’t kapag wala kami sa tubig ay naghuhubad kami ng aming buntot. Tingnan mo’t nagsabit ang mga buntot namin. Ngayo’y mga babae rin kaming tunay.”
Nakita nga ni Siso na nangagbitin ang mga anaki’y pinaghunusang may kaliskis.
Si Siso’y ipinagsama ng sirena at ipinakita sa kanya ang tila palasyong iyon; inilabas siya sa isang halamanan na nakaaakit ang mga halamang korales na iba-iba ang kulay na gaya ng tumutubo sa kailaliman ng dagat; ang mga bulaklak ay pawang maliliit na bituing nagkikinangan.
“Ena,” ani Siso, “kay ganda nitong iyong hardin, datapwa’t walang ibon.”
“Wala raw,” at nagtawanan ang sampu ng mga alagad ng sirena.
Sumipol ang sirena at nagliparan ang maliliit na isdang may iba-ibang kulay na nagbuhat sa isang dagat-dagatang nasa gitna ng mahiwagang hardin.
“Hayan ang mga ibon dito,” ang wika ng sirena.
“Maganda pa kaysa mga ibon sa amin ang mga ibon mo, Ena! Ikaw, Ena ay Reyna, samakatwid ay lahi kang mahal,” ani Siso.
“Ako’y anak ng diyos Neptuno, diyos at hari ng mga karagatan at ng lahat ng may tubig.”
“Kung gayon ay alangan ako sa iyo pagka’t ako’y anak lang ng isang Tininteng Lucio.”
“Kapag ikaw ay nakaisang-palad ko, ay hari ka na rin, pagka’t ako’y reyna.”
“Sino ang magkakasal sa atin, dito’y walang pari?”
“Hindi natin kailangan ang pari. Ngayon din ay sisipot ang aking ama at tayo’y ikakasal. Tunay bang ibig mong pakasal sa akin?” parang hindi naniniwalang tanong ng sirena.
“Tunay na ibig ko at walang kaagam-agam.”
“Ngayon din,” at itinapat ng Sirena ang kanyang dalawang kamay sa dagatan at makaraan ang isang saglit ay sumipot kaagad si Neptuno, isang matandang mahaba ang balbas, may korona, nakatapi lamang at may dalang salapang.
Silang dalawa’y hinipo sa ulo ng diyos Neptuno, at nagwika ng:
“Kayo’y mag-ibigan; ang magtaksil ay mamamatay,” at pagkatapos ay lumusong uli iito sa dagatan at nawala at sukat.
SA bahay ni Tininteng Lucio at ni Aling Goring, na ama’t ina ni Siso ay naghari ang ganap na kalungkutan.
Lahat ng tao ay naniniwalang si Siso ay namatay na nang mahigop ng uli-uli. Ngunit ang ina ni Siso ay naniniwalang ang kanyang anak ay hindi namamatay.
“Buhay ang anak ko; inaasahan kong hindi namamatay si Siso ko!”
Totoo ang kutob na iyon ng ina si Siso. Buhay na buhay si Siso. Nasa ibang daigdig nga lamang siya, sa mahiwagang kaharian ng sirena.
ISANG gabi ay ipinagtapat ni Siso kay Ena, na ibig niyang makita naman ang kanyang ama at ina, pagkat sa taya niya’y mahigit nang isang taon siya sa piling ng sirena.
“Pinapayagan mo ba ako, mahal kong Ena?”
“Papayagan kita kung ikaw ay nangangakong magbabalik na muli?” tugon ng sirena na noon ay nagdadalang-tao na.”
“Oo, nangangako ako: ako’y babalik…”
“Tantuin mong kapag hindi ka nagbalik ay mamamatay ka.”
“Ako’y babalik.”
At si Siso ay binihisan ni Ena ng pagkainam-inam na damit at sinuotan ng mga mahal na hiyas.
Isinuot ng sirena ang kanyang kalahating pagkaisda at saka nagturing:
“Siso, kumapit ka na sa leeg ko at tubig na ang ating susuutin,” at si Siso ay kumapit nang mabuti sa leeg ni Ena. “Ipikit mo ang mga mata mo, Siso; hanggang hindi ko sinasabing dumilat ka na ay huwag kang didilat. Kapag dumilat ka ay mababasa ka at may panganib pang ikaw ay malunod tuloy.”
Nang iutos ng sirena na dumilat si Siso ay nakita niyang nasa daungan na siya ng kanilang bahay, na katabi ng ilog.
“Huwag mo akong lilimutin, Narciso ko!”
“Hindi kailan man, Ena!”
At sila’y nagyakap at naghalikan.
NANGATUTULOG na sa bahay nina Tininteng Lucio nang dumating si Siso. Sa hagdan pa lamang ay sumigaw na siya.
“Tatay! Nanay! Tatay! Nanay!”
Nangagtindigan kaagad ang lahat ng tao sa bahay na iyon at nangagkagulo, pagka’t lahat sila’’y nakakilalang ang tumatawag ay si Siso nga. Binuksan ni Tininteng Lucio ang pinto.
“Nany ko!” at niyakap ni Siso ang ama’t ina. Pagkatapos ay humalik siya ng kamay sa mga iyon.
“Ayon ang nangyari sa iyo, anak ko?” tanong ni Tininteng Lucio. “Sa langit ka ba galing at damit-poon ang suot mo?”
Ang suot na baro ni Siso ay hinabing mga pinong hiblang ginto at pilak. Ang tatlong butones ng pitsera’y naglalakihang mga batong brilyante at ang lahat ng daliri ay punuan ng mga sinsing na may sari-saring mga bato.
“Dakilang kayamanan ang suot mo!” ang turing naman ni Aling Goring.
“Ang lahat pong ito’yy kaloob ng aking asawa.”
“Ha? At nag-asawa ka na ba?” sa pagkagulat ay naitanong ni Tininteng Lucio.
“Naito po ang larawan ng aking asawa,” at ipinakita ang isang sinsing na lantay na ginto na ang tampok ay brilyanteng pinag-ugnay-ugnay.
“Ha? Ang asawa mo ba’y ang sirena sa uli-uli?”
“Opo, at pagkayamanyaman niya. Pinayagan lang po ako ni Ena na dumalaw.”
“Samakatwid ay muli mo kaming iiwan, Siso?” ang sabing sabay iyak ni Aling Goring.
“Si Ena’y malapit nang magluwal ng isang sanggol. Ang anak ko’y hindi ko maitatanggal.”
“Ang anak mo’y hindi sa daigdig na ito sisipot, pagka’t ang mga iya’y nasa ibang daigdig.”
“Siso, huwag mo kaming iiwan, anak ko!” ang sigaw ni Aling Goring na umiiyak.”
Hindi pinayagan ng ama’t ina na makaalis si Siso. Binabantayan siyang lagi. Sumangguni ang mag-asawa kay Pari Nano, na kanilang kaibigan.
Nang malirip na lahat ni Pari Nano ang nangyari kay Siso ay nagpasya na anuman ang mangyari ay huwag payagang si Siso’y mahulog na muli sa kapangyarihan ng sirena.
“Ang taong Kristiyano,” sabbi ni Pari Nano, “ay hindi dapat makianib sa mga bunga ng hiwaga, pagka’t sila’y lalang ng hiwaga at hindi lalang ng Diyos. Ano’t nag-asawa ka sa kalahati ay hayop?”
“Dito po lamang kung makita natin ay gayon siya, subali’t sa kanya pong palasyo ay babae siyang napakaganda, napakabait,” paliwanag ni Siso.
Sa takot ng ama’t ina ni Siso na makaalis ito ay pinalagyan ng rehas na bakal ang lahat ng mga durungawan.
Nang makaraan na ang ilang buwan, ay nagkagulo sa bahay nina Tininteng Lucio. Nakita na lamang na ang sirena ay sumipot sa tapat ng bahay nila.
“Siso,” sabi ng sirena, “matitiis mo bang iwan itong anak mong pagkaganda-ganda? Ako’y huwag mo nang lingapin. Nguni’t maawa ka sa anak mo.”
Sa narinig na iyan ni Siso’y naging para siyang ulol na paroo’y parito, subali’t siya’y walang pagdaanan.
“Ena, Ena ko, ako’y kinulong dito. Ayaw nila akong alpasan.”
“Ikaw ang bahala, Siso. Ako’y maghihiganti kapag hindi ka nagbalik sa akin. At ito’y tandaan mo: hindi ka pakikinabangan ninuman, “at nawala ang sirena.”
Ang banta ng sirena’y tinupad. Buhat noon ay nawala ang katahimikan sa bahay nina Tininteng Lucio. Saan mang sisidlang may tubig, sa bahay ay nakikita ang sirena. Malaki ito pag malaki ang sisidlan, nguni’t maliit naman kapag maliit ang sisidlan. Pati sa basoong iinuman ng tubig ni Siso ay nakikita ang sirena..
Upang huwag makita ni Siso ang sirena ay humanap si Tininteng Lucio ng isang tambong mahaba, at binutas ang mga buko. Ang tambo ay inilusot sa banga ng tubig na may takip at doon hihitit si Siso upang makainom. Ngunit tumututol si Siso.
“Mabuti pa, anak, magtiyaga ka na sa pag-inom sa pinggan, pagka’t mababaw ang pinggan ay hindi makalalabas doon ang sirena.”
Ganoon nga ang ginawa ng ina nang humingi ng inumin si Siso. Si Aling Goring pa ang nag-abot ng isang pinggang malanday na may lamang inumin. Subalit napasigaw na lahat ang nakaharap doon, pagka’t sa kaunting tubig na laman ng pinggang malanday ay sumipot din ang sirena na parang isdang maliit na gagalaw-galaw.
“Siso, yayamang ayaw ka nilang sipasan, nang huwag kang mapasakin ay hindi ka rin mapapa-kanino man!” at biglang kinagat si Siso sa gulung-gulungan. Ginawa ni Ena ang kanyang pagkaisda.
Walang nakaawat na sino man, pagka’t lahat ng tamaann ng buntot ng sirena’y napapailandang. Si Siso ay iniwan ng sirenang nagdadanak sa dugo.








