Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 5, 1950)
(IKA-22 LABAS)
TUNGO ang ulo ni Nanding sa paggawa. Dahil sa matinding sama ng loob ay hindi na niya nararamdaman ang hapdi ng kanyang mga palad na pumutok sa haliling paghawak ng piko at ng pala. Inip na inip siya sa haba ng oras at bagal ng takbo ng mga sandali. Ibig na ibig na niyang dumating ang pagpapahinga upang maisakatuparan ang kanyang niyaring pakikipagtuos sa binatang umaglahi sa kanyang pagkalalaki. Hindi man lamang niya namalayan ang pag-alis ng Igorotang naging dahilan ng pakikipagsukatan niya ng lakas sa isang kasama.
“Ganeya!!!” ang pabuntunghiningang nawika ni Nanding, nang tumugtog ang kamapanang siyang nagbabalita ng pagpapahinga ng mga manggagawa, “kay-mahal ng naging bunga ng pagdalaw mo sa tunel. Ipakikilala ko sa iyong isa akong ganap na lalaking nandayuhan dito.”
At nagpauna na sa paglabas si Nanding. Kaalakbay niya ang isang matanda nang manggagawa sa mina, si Tandang Damaso, na siyang nakakakilala sa ugali at hilig ng lahat ng manggagawa.
“Pasyensiya na, Atong,” ang wika ni Tandang Damaso, “ang kalaban mo’y isang barumbadong manggagawa.”
“Ibig ko nga po sanang paraanin na ang mga nangyari,” ang tugong mabanayad ng binata, “ngunit tila napipingasan ang aking pagkalalaki. Maaaring kung pararaanin ko ang mga nangyari’y kain-kainin niya akong palagi. Saka… masakit na paratangan niya akong, “duwag” balang araw.”
“Naipakilala mo na sa kanya ang iyong pagkalalaki,” ang pakli ni Tandang Damaso. “Marami sa ating mga kasama ang pumupuri sa iyong ginawa. Mangilan-ngilan lamang ang kanyang kakampi.”
Pinuno ni Nanding ng hangin ang kanyang dibdib, pagkalabas na pagkalabas nila ni Tandang Damaso sa tunel. Ang totoo’y lumamig ang kumukulo niyang dugo at naaakit na siya ng pangaral ng matandang kaalakbay nang walang anu-ano’y makarinig sila ng tinig na naghahamon:
“Hoy!!! Akala ko ba’y magtutuos tayo?”
Parang ipinako sa pagkakatayo si Nanding, nang makita niya sa bungad ng tunel si Carlos na pinanlalakihan ng mga mata. Narinig ni Tandang Damaso ang pinagtiim na bagang ni Nanding, kung kaya’t…
“Carlos, maaari bang ibalato mo sa akin ang basag-ulong ito?” ang mahinahon, ngunit maliwanag na sansala ni tandang Damaso.
“Hindi maaari,” ang paasik na tugon ni Carlos, “sa kanya nanggaling ang paghahamon!”
Dahan-dahang inihakbang ni Carlos ang kanyang mga paang palapit sa binatang matatag na nakatayo sa piling ni Tandang Damaso, at nang malapit na malapit na’y nangusap na nakasurot ang hintuturo sa mukha ni Nanding.
“Dapat mong malamang ako ang apo sa tunel. Babalian kita ng mga buto!”
Naramdaman ni Nanding na sumasayad na sa kanyang mukha ang hintuturo ni Carlos. Mabilis na tinabig niya ang kamay ng katunggali, saka…
“Yayamang…”
Hindi natapos ang pangungusap ni Nanding at dumapo sa kanyang mukha ang malakas na suntok ni Carlos, na siyang lumikha ng putok sa kanyang labi. Naramdaman ni Nanding ang dugong umagos sa kanyang baba. Hindi na nagparaan ng sandali ang duguang binata at sinalakay na si Carlos. Ang labanan ng dalawa’y tumagal ng halos kalahating oras. Hindi na makikilala kapwa ang mukha ng magkalaban, hanggang sa ang apong kinikilala sa tunel ay gumapang sa lupa.
“Ngayon, ang humihingal na salita ni Nanding,” tumayo ka at lumabang tulad sa isang lalaki!
Sinikap ni Carlos na makatayo, ngunit hindi siya pinahintulutan ng malabis na panghihina. Bahagya pa lamang siyang nakaangat sa lupa’y patihayang bumagsak uli.
“Suko na ako… talo na ako,” ang wika sa basag na tinig ni Carlos, “ikaw na ngayon ang “apo” sa tunel.”
Dahan-dahang yumukod si Nanding at ibinangon ang wala nang labang kasama, hanggang sa…
“Tanggapin mong maging magkaibigan tayo,” ang wika ni Nanding, “dinaramdam ko ang mga nangyari. Kalimutan natin.”
Hinangaan ng lahat ng mga manggagawa ang magandang inugali ng kanilang bagong kasama. Nang sasakay na lamang sila sa bagong maghahatid sa bahay-pahingahan ay biglang lumitaw ang mag-amang Sinay at Ganeya.
“Hinahangaan kita,” ang bati ng dalagang Igorota sa nagtagumpay na binata, saka hinubad ang tapis at iniabot kay Nanding. “Nakita kong lahat ang iyong pakikilaban. Tanggapin mo ang aking tapis, tanda ng aking malaking paghanga sa iyong pagkalalaki.”
“Salamat… maraming-maraming salamat,” ang naitugon na lamang ng binata at matamang minamalas-malas ang tapis na ibinigay sa kanya ni Ganeya.
Walang kaimik-imik si Nanding. Sinundan lamang ng kanyang paningin ang matuling kabayo, hanggang sa matambad sa kanyang pangmalas ang mag-ama ni Ganeya na siyang tinutungo ni Ricardo Montez, Jr. Susugod sana si Nanding, ngunit biglang hinadlangan ni Tandang Soro.
At nagsilulan na ang lahat sa bagon. Pati ng mag-amang Sinay at Ganeya ay lumulan na rin. Nakaupong magkaibayo sa bagon ang Igorota. Nahalata ng lahat ang panakaw-nakaw na sulyap na ipinupukol ni Ganeya sa bagong apo ng tunel. Wala namang kaalis-alis ang mga mata ni Nanding sa Igorota.
“Mapalad ka, Nanding,” ang narinig niyang bulong ni Tandang Soro, na kapiling niya sa upo.
Nag-alis ng titig si Ganeya kay Nanding nang bulungan ito ni Tandang Soro.
“Bakit ako mapalad?” ang pamanghang usisa ng binata.
“Ang tapis na iyan sa mga Igorot ay nangangahulugan ng marubdob na pag-ibig.”
“Pag-ibig?” ang gulilat na salo ng binata.
“Mamaya na tayo mag-usap,” ang pabulong pa uling sabi ni Tandang Soro.
“Baka mapahiya si Ganeya.”
Naging matahimik ang lahat. Walang naghari sa kanilang paglalakbay, kundi ang mga mata na lamang ng lahat, na siyang pinapag-usap, ngunit ang mga matang namumukod ay ang kina Gayena at Nanding.
“Talagang mapalad ka,” ang uliit na salita ni Tandang Soro, nang huminto ang bagon at mabilis na bumaba ang mag-amang Sinay at Ganeya at matuling lumusong sa gulod ng isang bundukbundukan. “Ang tapis na iya’y nangangahulugan ng makulay na pag-ibig para sa mga Igorot. Iniibig ka ni Ganeya.”
Nahibang ang damdamin at kaluluwa ni Nanding sa ipinagtapat ni Tandang Soro. Mga mata lamang ng binata ang gumalaw sa malaking galak. Hindi nakayang bigkasin ng kanyang mga labi ang tuwang isinisigaw ng kanyang puso.
“Oo, talagang iniibig ka ni Ganeya,” ang ulit na salita ni Tandang Soro. “Ang tapis ng isang dalagang Igorota ay ipinagkakaloob lamang sa binatang tapat niyang iniibig. Saka… maliwanag na kasang-ayon si Sinay sa ginawi ng kanyang anak na ipagkaloob sa iyo ang pag-ibig. Si Ricardong anak ng may-ari ng minahan ay hindi miminsang nanalanging ipagkaloob sa kanya ni Ganeya ang tapis, ngunit matutunog na halakhak lamang ang isinukli ng Igorota.”
Hindi pa halos natatapos ang pangungusap ni Tandang Soro ay natanaw na nila sa malayo ang isang matikas na lalaking nakakabayo. Nanlaki ang mga mata ni Tandang Soro. Kilalang-kilala niya ang kabayong sanay na tumakbo sa gilid ng mga landas.
“Hayun si Ricardo Montez, Jr…” ang pabulalas na nawika ng matanda. “A… bakasyon na nga pala ngayon! Masamang pangitain ang pagdating niya.”
Walang kaimik-imik si Nanding. Sinundan lamang ng kanyang paningin ang matuling kabayo, hanggang sa matambad sa kanyang pangmalas ang mag-ama ni Ganeya na siyang tinutungo ni Ricardo Montez, Jr. Susugod sana si Nanding, ngunit biglang hinadlangan ni Tandang Soro.
“Huwag ka sanang ulol, Nanding,” ang sansala ng mabait na matanda, “kilala ko ang anak ng ating panginoon. Barumbado sa dilang barumbado! Walang pangahas kundi mamaril ng kapwa.”
Kitang-kita ni Nanding ang pag-ibis sa kabayo ni Carding at ang paghawak sa isang bisig ni Ganeya. Sumubo ang panibugho sa puso ng binata. Nakuyumos nang hindi sinasadya ang tapis na ipinagkaloob sa kanya ni Ganeya. Ngunit nakahinga siya nang maluwag, nang matanaw ang biglang pagpupumiglas ng Igorota at nang makawala’y walang iniwan sa mailap na usang sumugod ng takbo hanggang sa mawala sa gilid ng bundok, na hindi makayang talunin ng kabayong mabikas ni Carding.
“Kaiingat ka sa iyong paghakbang, Nanding,” ang paalaala ni Tandang Soro. “Si Ricardo Montez, Jr. ay magiging hadlang mo sa landasin ukol kay Ganeya.”
“Itataya ko kay Ganeya ang lahat,” ang mahina, ngunit maliwanag na pahayag ni Nanding, “pati na ng aking buhay!”
Nakuyom ni Tandang Soro ang limang daliri ng kanyang kamay na kanan, kasabay ng pagkagat sa kanyang labi.
“Iniibig ko si Ganeya, sa una pa lamang pagkakita ko sa kanya sa paliligo,” ang lalong maliwanag na salita ni Nanding. “Walang sinumang makahahadlang sa aking layunin!”
Itinaas ni Nanding ang magandang tapis na ibinigay sa kanya ng Igorota, saka…
“Isinusumpa ko sa tapis na ito ng pag-ibig,” ang napalakas na sumpa ni Nanding, “na hindi na maaaring ariin pa ng iba ang pag-ibig ni Ganeya. Nakahandang tahakin ko ang lalong landasing mapanganib alang-alang sa kanya.”
Nangingislap ang mga mata ni Tandang Soro, habang pinanonood ang sumusumpang binata. Nagunita ng matanda ang kanyang kabataan, kagaya rin siya ni Nanding, na matigas mamanata sa pag-ibig.
“Uutilin ko: itataya ko kay Ganeya ang lahat,” ang tumataginting na salita ni Nanding, pati ng aking buhay! Ngayong gabi’y magsasadya ako sa kanilang bayan-bayanan upang marinig sa kanyang mga labi ang kahulugan ng tapos na ito.
(Itutuloy)








