Ni JOSE JOSON SANTOYO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 3, 1949)
WALA pang nakitang makabagong nilikha si Lauro Pitelan na gaya ni Milagros. Sa kilos, pagsasalita, bihis, lakad, pakikipagkapuwa, si Aging ay talagang makabagung-makabago. Pangahas si Milagros at malakas ang loob. Matapang at hindi mahapayang-gatang. Nguni’t mabuting makisama at hindi naman mapagwiwikaan ng gayun-gayon lamang. Walang ipipintas kay Milagros kundi ang katigasan ng ulo, katapangan at kapangahasan.
Nakasasama si Milagros sa isang binata sa loob ng sine o nakalakad na nag-iisa sa kahi’t na madidilim na eskinita.
Nguni’t balang nagkamaling lalaki sa kanya at naniwalang siya ay “easy” lamang ay nakatikim ng tampal ng kanyang palad o hampas ng kanyang dala-dalang “hand-bag.”
Ang mga aklat na binabasa ni Milagros ay hindi mga nobelang malulungkot kundi mga buhay ng mga bayaning mapakipagsapalaran at pangahas na magsubo sa mga panganib.
Dapat siyang makilala ni Lauro Pitelan, sapagka’t ang tahanan ng binatang ito ay abut-pakol ng inuupahang isang tsalet na pinakamalapit sa kanila.
Si Milagros ay isa sa mga kawaning dalaga sa malaking tindahan ng damit sa Eskolta. Magandang magbihis, marikit lumakad, na binabagayan ng kariktan niyang pambihira. Wala nang kasama sa pamamahay si Milagros kundi ang kanyang ina lamang. Patay na ang kanyang ama at may kapatid nga siyang dalawang lalaki ay kapuwa naman may-asawa na at nagtitira ang panganay sa Kabite at ang pangalawa na siya niyang sinundan ay nasa Iloilo.
Siya ang pinaka-ama sa bahay nila, sapagka’t ang kanyang ina ay napakatanda na at hindi na niya mapananghiliang mangasiwa sa kanilang kabuhayan.
Makabagung-makabago nga si Milagros. Nguni’t si Lauro, kahi’t naman apat-na-pu’t pitong taong gulang na at may ilan-ilan nang nag-usling abaka sa kanyang mga buhok ay makabago rin at kaya tumandang binata’y dahilan sa nalulong sa pagsasamantala sa nabibiling ligaya na kayang-kayang sagutin ng kanyang malintog sa lukbutan.
Mayaman si Lauro. Kanya ang maraming bahay na paupahan sa paligid-ligid ng pook na iyon at may tatlumpung lote niya ang kasalukuyang ipinagbibili nang hulugan sa mga nangakatayo na roon. Kita lamang ng kanyang mga bahay na paupahan ay hindi na siya makakayang gugulin kahi’t gastang-alisaga ang gawin niya.
Nitong siya’y malipat nga sa kanyang bagong tahanan ay naging kapit-bahay niya si Milagros na agad niyang napansin, sapagka’t talaga namang namukod-tangi sa lahat na ng nakita niyang dilag.
Nang anyayahan niyang mamasyal na sakay ng kanyang bagong awto ay sumama naman. Nang isama niya sa sine ay nayag. Nang magmirindal sila ay nagpaunlak din. Sa simula ng kanilang pagkikilala ay natunayan niya sa kabutihang makitungo at magiliw na pakikipagniig na makakamtan niya ang kanyang ninanais sa magandang dalagang ito, na isip niya’y gaya rin ng mga nauna niyang naging mga katalik na.
Pagka’t gabi nang talaga nang sila’y umuwi, pagsapit ng awto sa madilim na lansangan ay pinangahasan niya. Nguni’t siya’y nabigla at namangha, nang itulak siya hampasin sa mukha na hawak nitong “handbag” na ikinabasag ng kanyang salamin sa mata.
“Kay aba ng asal mo!” singhal sa kanya ng dalag. “Itigil mo nga!” sigaw pa ni Milagros sa tsuper. Nang huminto ang sasakyan ay padabog na binuksan ni Milagros ang pinto at nanaog, saka lalo pang paragasang itinulak ito upang malapat.
Naglakad na lamang siya hanggang sa kanilang bahay.
Matagal nang tumatakbo ang sasakyan ay namamangha pa si Lauro sa kanyang nasaksihang pangyayari. Hindi niya inaasahang iba pala ang nakikita niya kaysa talagang linoloob ng dalaga. Noon lamang siya nabarungka ng isang babae sa mukha pa naman na ikinadurog ng kanyang salamin sa mata at ipinagkaroon niya ng ilang sugat ng tumimong bubog sa may balingusan.
Nguni’t nang makaakyat na siya sa kanyang bahay at makapagpalit na ang bihisan ay tatangu-tango sa sariling pinupuri at hinahangaan ang katatagan ng loob ni Milagros.
“Ito ang kailangan ko, iba ang pakitang loob kaysa laman ng puso at maitaboy na damdamin. Hindi ito basta babae!” bulong niya sa sarili habang ibinubuhol ang pamigkis ng kanyang mahabang bata.
Kaya’t hindi siya nagtigil hanggang sa nauli ang kanilang mabuting pagkikilala ni Milagros. Sumulat siya at isang gabi ay nagsadya pa sa tahanan ng dalaga.
“Patawarin mo ako, Aging!” ang wika ni Lauro.
“Hindi kita sinisisi, akala mo’y isa ako sa karaniwan dahilan sa aking ugaling pakikisama ng mabuti sa nakikisama ng mabuti sa akin!” sagot lamang ni Milagros.
“Kaya nga lalo akong nanalig na ikaw ang dapat kong mapangasawa!” ani Lauro. “Maniwala kang ngayon lamang ako nakakita ng gaya mo!”
“Siyanga ba! Ikaw naman ay katulad din ng ibang nakikita ko araw-araw, na siyang madalas na ipaghalili ko ng “handbag”!” ani Aging na ngumiti.
“Hindi ka na maghahalili ng “handbag” mula ngayon, sapagka’t marunong akong gumalang sa dapat igalang na babae.”
“Salamat kung gayon!”
“Kaya nga’t inihahandog ko sa iyo ang aking pangalan, ang aking karangalan at ang aking salapi, lahat-lahat!”
“Salamat!”
“Ihahatid kita sa harap ng dambana!”
“Bagaman makapaparoon ako kahi’t nag-iisa!”
“Hindi ganoon. Ang ibig kong sabihin ay pakakasalan kita!”
“Salamat!”
“Nguni’t sagutin mo ako kung sinasang-ayunan mo!”
“Ngayon din ba?”
“Kung maaari, Aging!”
“Hindi kita iniibig!” mabilis na tugon ni Milagros.
“Kahi’t inihahandog ko sa iyo ang lahat kong kayamanan? Kahi’t na ang gayon ay mangangahulugang hindi ka na papasok sa opisina?”
“Wala akong hilig sa kayamanan. Makalalaki sa ulo ko ang mag-iintindi ng mga kayamanan mo.”
“Kakaiba ka namang babae, Milagros!”
“Marahil. Nguni’t dito ako nasisiyahan, Lauro.”
Umuwi si Lauro na walang napala ay gayong bago siya nagtungo roon ay yari na ang iba’t ibang balak sa inaasam na tagumpay. Naisip niyang lalong napapalayo sa kanyang pagkaunawa ang tunay na kalooban at mga panukala, iniisip at ugali ni Milagros.
Nguni’t hindi siya nagtaka nang isang gabing paakyat siya sa tahanan nina Aging ay marinig niya itong galit na galit na may itinataboy na lalaki.
“Manaog ka ngayon din, manaog ka kung ibig mong huwag mabasag ang plorerang ito sa mukha mo, bastos! Ano ang palagay mo sa akin, kung dumalaw ba rito ang isang mayamang kagaya ni Lauro ay pinalalamang ko ba ang pagtanggap sa gaya niya kaysa pagtanggap na ginagawa ko sa iyo at sa iba ko pang kakilala? Uli-uli ay mag-aaral ka ng pagsasalita, Delfin.”
Nanaog nga si Delfin at nasalubong pa niya sa hagdan. Hindi man lamang siya binati ng binatang pinalayas. Pinakiharapan din siya ni Aging ng mabuti na gaya ng una pagkatapos na maihingi niya ng tawad ang ikinabasag ng kanyang salamin sa mata.
Nguni’t hanggang doon na lamang ang lahat. Pagkatapos niyon ay ayaw rin siyang ibigin ni Milagros.
Sa pamamagitan ng salapi ay umupa tuloy siya nang mga sumunod na araw ng susubaybay sa talagang kalagayan ng dalaga ukol sa pag-ibig. Sa wakas ay natuklasan niyang may kinagigiliwan nga itong isang makisig na kawani sa isang kawanihan kundi man katipan na nga ni Milagros.
Gumawa siya ng paraang makilala ang binatang iyon, si Mauro. Nagkunwari siyang nagpagagawa ng paraan ukol sa permiso sa pagpapagawa ng bagong bahay niya sa Sampalok. May kaugnay na isang kumpari naman si Lauro sa tanggapang siyang nagpapahintulot sa mga pagawaing bahay at napagbigyan siya.
Dumating ang Notse Buwena. Naroon na ang lahat ng kailangan. Nguni’t gabi na ay wala pa si Mauro. Hindi darating si Mauro sa gabing iyon at katunayan, hindi nga lamang pinag-ukulan ng anumang kahulugan ni Aging ay hindi sumagot si Mauro sa kalatas niya.
Inabutan niya ng isang lilimampuing piso ang binatang ito na maliit lamang ang sahod at nagpasalamat naman. Buhat nga noon ay naging magkaibigan sila.
“Hindi mo ba iniisip na kumita ng malaki-laki kaysa kita mo ngayon, Mauro?”
“Wala akong ibang mapapasukan kaya pinagtitiisan ko na ito!”
“Kung gawin ba kitang enkargado ng lahat kong bahay na paupahan at mga loteng hinuhulugan ng mga nakatayo ngayon sa ilalim ng kasunduang may bisa sa loob ng sampung taon, na ang sahod mo buwan-buwan ay tatlong daan at limampung piso, bukod pa ang gugol mo sa sasakyang tatlong piso isang araw ay iiwan mo ang napakahina mong hanap-buhay na iyan.”
Hindi nakatanggi sa magandang alok na ito ang binata. Nagkayari sila at naglagdaan sa kasulatan.
“Nguni’t may ipakikiusap lamang akong isang bagay sa iyo, Mauro, kung maaari!”
“Bakit ka makikiusap ay ikaw ang patrono ko ngayon?” patanong na wika ni Mauro na napangiti.
“Nalaman mo’y liniligawan ko si Milagros.”
“Hindi masama, Lauro.”
“Nguni’t ikaw ang gusto!”
“Siyanga ba! Nguni’t ako’y may katipang ibang babae.”
“Nalalaman ba ni Aging?”
“Hindi! Subali’t si Aging ay hindi mag-aasawa. Sa ugali niyang iyon ay hindi siya nakahandang mag-asawa.”
“Tunay ngang biru-biro lamang ang ligaw ni Mauro. Subali’t sa nalalaman niya o hindi ay dinidibdib ni Aging ang kanyang pangingibig.”
“At isa pa’y huwag mong masasabi sa kanyang ikaw ang enkargado, ko,” ani Lauro.
“Maaasahan mo! Ako’y mag-aasawa, subali’t hindi sa kanya at nais ko nga sanang ang isa sa mga maliit na lote mo ay hulugan ko at nang kung lumagay kami ni Carmen sa magaling ay mayroon na kaming munting bahay at lote.”
“Ipalilipat ko na sa pangalan mo ang lote mong sinasabi, iyan ay gantimpala sa kabutihan mong magpaunlak sa akin,” pangako ni Lauro na tinotoo naman. Nang maghiwalay sila ay tuwang-tuwa si Lauro. Galak na galak din naman si Mauro sapagka’t ang pangarap niya’y isang asawang mahinhing tulad ni Mameng at isang pugad na maliit man ay masinop.
Panauhin ni Aging si Lauro nang gabing iyon.
“May iba kang iniibig, Aging kaya hindi mo sila maaaring mahalin, hindi ba?”
“Nakahula ka!”
“Natitiyak mo bang pakakasalan ka ng maiibigan mong iyan? At sino ba naman ang mapalad na lalaking iyan?”
“Hindi na kailangang makilala mo. Ang mahalaga’y ang salita mong natitiyak ko bang pakakasalan ako. Iyan ay himig hamon, Lauro.”
“Sa paanong paran?”
“Tila ibig mong sabihing hindi ako pakakasalan ng iniibig ko.”
“May karapatan akong maghinala o magpalagay ng gayon, sapagka’t sino ang makapagsasabi…?”
“Iyan ay isang hamon sa akin, Lauro.”
“Hindi ako nagagalit, subali’t katungkulan kong magpatunay na may matuwid ako sa aking paniniwala, Lauro.”
“Ikaw ang bahala, at kung nais mo ang pustahan ay pupusta ako!”
“Anong pustahan?”
“Kung ibig mo’y ipinupusta ko ang lahat ng dalawampu’t siyam na lote ko, na hindi ka tototohanin ng nobyo mo, kung sinuman iyon.”
“Siyanga ba?” tanong ni Aging na nakatawa, subali’t kumikinang ang mga mata. “Tinatanggap ko ang hamon at ang pusta. Pag-usapan natin ang mga kondisyones at pagsulatan natin,” ani Aging.
“Nguni’t ang tatalunin ko’y ano, kung ako ang manalo?” tanong ni Lauro.
Nag-isip na patingala si Milagros at pagkaraan ay sumagot.
“Ako’y walang kayamanan, Lauro, subali’t kung papayag ka ay pakakasal ako sa iyo kung ako’y matalo mo sa pustahang ito.”
“Siyang ba? Ihahanda ko na ang mga kailangang papeles at ang magkakasal at mga saksi na daratnan rito ng nobyo mo. Kapag nakasal kayo, kinabukasan, ay iyo ang 29 na lote ko na ang kasulatan ay ihahanda ko na rin at lalagdaan na lamang sa gabing matalo ako upang masalin sa iyo ang lahat ng karapatan.”
“Tinatanggap ko! At kung matalo ako ay kakasal tayo agad.”
Kinabukasan din ay sumulat si Milagros kay Mauro at mahigpit na pinatutungo ito sa kanyang tahanan upang makasalo niya sa hapunan. Hindi na binanggit ni Aging ang ukol sa kasal sapagka’t ayon sa pangako sa kanya ni Mauro ay naghahanda itong pakasal sa ano mang oras. Ang magiging bunga ng kasalang iyon ay siya niyang inilihim.
Dumating ang Notse Buwena. Naroon na ang lahat ng kailangan. Nguni’t gabi na ay wala pa si Mauro. Hindi darating si Mauro sa gabing iyon at katunayan, hindi nga lamang pinag-ukulan ng anumang kahulugan ni Aging ay hindi sumagot si Mauro sa kalatas niya.
Sapagka’t sa gabing iyon ay ikinakasal na sa malayong bayan sina Mauro at Carmen.
Tumugtog ang ika-11 ng gabi ay wala pa rin si Mauro. Hindi na maupo at matindi ang galit na galit na’y hindi lamang nagpapahalatang si Aging, nguni’t balisa siya. Matatalo siya sa pustahan ni Lauro na hindi niya iniibig pa naman.
Nguni’t nang malapit nang tumugtog ang ikalabindalawa ng hatinggabi na siyang takdang oras ng ipagkakatalo ng kanilang pustahan ay siyang pagtawag ng isang tinig. Natuwa si Aging, patakbo halos nagtungo sa balkonahe. Nguni’t hindi si Mauro ang dumating kundi ang matiyagang si Delfin na hindi nakalimot kahi’t niya napagsalitan ng masasakit. Kumislap ang isip ni Aging. Ito ang tapat sa kanya na hindi niya sinulatan ay naparoon at may dalang handog sa kanya upang ipakilala nang makumbaba at walang pasubaling pagtatangi sa kanya. Nagtaka pa si Delfin nang salubungin siya nang magiliw ni Aging. Hindi muna siya tinulutang makapasok sa kabahayan hanggang hindi nakakausap ni Milagros nang masinsinan at lihim.
Iyon naman ang talagang hinihintay ni Delfin. Kaya’t siya’y hindi nakapagpigil? Nahagkan niya si Aging.
“Hindi mababasag ang plorera sa mukha mo, pagka’t ikaw na ang may-ari,” ani Aging na nakatawa.
Nang masok silang dalawa sa kabahayan at naratnan na roon ang lahat ng kailangan.
“Talo ka na, Mauro! Ito ang aking mapapangasawa at ngayon ay pakakasal kami.”
Hindi nakaimik si Lauro. Nguni’t siya’y talo at ang talo ay natatalunang talaga sa alinmang paligsahan.
Bago siya nanaog ay linagdaan niya ang mga kasulatan sa pagsasalin sa pangalan ni Milagros ng dalawampu’t siyam na lote at iniwan niya ang mga titulo nito sa bahay ng tuso at makipagsapalarang babae.
(Wakas)









