PAGKATAPOS NG USAPIN

Noo’y maligaya silang nag-iibigan at nagmamahalan. Isang pag-iibigan at pagmamahalang lingid sa kaalaman ng magulang ng dalaga.

Ni ARSENIO G. SANTOS

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 7, 1949)

ISANG nakatutulig na putok ang biglang pumunit sa katahimikan. Noo’y mag-iikasampu ng gabi at ang mga paninirahan sa daang X ay nangabulahaw sa kanilang pagpapahingulay. Kasunod ng putok na iyon ay narinig ang maririin at nagdudumaling mga yabag na tumutugis sa salaring nakatakas, at siyang nagdulot ng masidhing takot at pangamba sa puso ng mga taong kinakabahang nakikimatyag sa mga tahanan sa paligid-ligid ng pinagnakawan.

“Ano kaya ang nangyari?” ang paanas na tanong ng isang tinig-babae nang mapansing malayo na ang mga yabag.

            “Sang-ayon sa pagkakadinig ko’y tila sa bahay na malaki nagbuhat ang putok na iyon,” ang pabulong na sagot ng tinig-lalaking kapapansinan pa rin ng malabis na pangamba.

            Samantala, ang magnanakaw na binaril ng mga alagad ng batas ay hindi na tinamaan ay matulin pang nakalayo, kaya ang mariing lagapak ng mga paang matuling tumatakbo ay siyang walang pangiming gumambala sa katahimikan ng mga sandaling ito at siya ring nagpunla ng matinding takot at pangamba sa mga taong noo’y nagkagising.

            Ang magnanakaw na tinugaygayan ng mga alagad ng batas ay madaling lumiko sa isang makipot at madilim na kalye sa paniniwalang dito lamang niya masusumpungan ang kanyang kaligtasan.

            Nang magliwanag sa bahay ng mayamang napagnakawan ay natalos sa ulat ng matandang babaing siyang ina ng tahanang iyon na ang nawala ay isang kaluping salaping mga papel de banko na binubuo ng mahigit na tatlumpu’t limang libong piso at saka isang supot na alahas na mahigit na anim-na-pung libo ang halaga.

            “Bakit naman kayo nag-iingat ng ganyan kalaking halaga sa bahay?” magalang na tanong ng isa sa alagad ng batas na naiwan sa bahay habang tinutugis ng mga kasamahan ang nangakatakas na mga magnanakaw.

            “Gabi na po nang bayaran ng dalawang magbibigas ang aming palay na nasa kamaig sa lalawigan at ang balak naming talaga ay ilagak sa banko bukas ang halagang iyan.” paliwanag ng don sa nagsisiyasat.

            Nakita nga naman ng alagad ng batas ang natungkab na susian ng aparador na nabuksang pilit at sa paanan ng aparador na nasabi ay naroon pa ang kapirasong bakal na siyang itinuklap sa susian.

            Magmamadaling-araw na nang magsibalik sa kani-kanilang silid ang mga tao sa bahay na iyon pagkapanaog ng nagsiyasat na alagad ng batas.

            Ang kaisa-isang anak na dalaga ng mag-asawang napagnakawan ay nagbalik na rin sa kanyang silid pagkatapos na lumabas na gulat na gulat sa pagpapagibik ng kanyang ina at ama.

            Subali’t naligaw ng habol ang mga alagad ng batas na nagsitugis sa sinasabing magnanakaw. Ang kanilang nangatugis ay ang dalawang nangasa-lupa at hindi nagsisipanhik ng bahay. Ang nanhik ng bahay at siyang nagsitungkab ng susian ay dalawa rin nga. Nguni’t isa lamang ang nakatalon nang magpagibik na ang nasa itaas ng bahay. Ang isa pa na siyang may bitbit ng bayong na kinalalagyan ng kaluping may salapi at supot na may mga alahas ay hindi nakapanaog agad ng bahay sapagka’t sa kalituhan ay hindi sa bintanang tinalunan ng kasama natungo kundi sa silid ng anak na dalaga ng mag-asawa. Mabuti’t nang mapasuot siya sa silid ay hindi pa naggigising ang dalagang naroon. Kaya’t nang maalimpungatan ang binibini at tuluy-tuloy na lumabas sa bulwagan upang malaman ang nangyayari, ay nakapangubli na ang nasabing magnanakaw sa isang kurtinang tumatakip sa sabitan ng mga bestido ng binibini sa loob ng silid nito. Nang tangkain ng magnanakaw na nakulong doon na tumalon sa durungawan ng silid niyang kinapugugalan ay saka niya natuklasang may mga rehas na bakal ito. Kung siya naman ay lalabas ng silid ay tiyak na matututop siya sapagka’t may ilaw na sa bulwagan at naroon na ang alagad ng batas na gumibik sa pagpapalahaw ng ina ng dalaga. Sa gayon ay naghintay na siya sa mangyayari at tumalaga na sa anumang magiging kapalaran.

ANG madudulas na magnanakaw ay nagtagpu-tagpo bago umumaga sa kanilang pook na tipanan nang bago gawin ang pagsalakay na nabubo nga ng pulis.

            “Nasaan si Siso?” ang unang tanong sa dating at dating na mga kasama ng pinakapuno na pawisang-pawisan.

            “Ewan namin!” sagutan ng tatlo.

            “Hindi ba ikaw ang kasamang nanhik sa itaas, Bebyong?”

            “Ako nga, nguni’t nang tumalon ako’y tika kasunod ko na rin, eh!”

            “Baka kaya dinobol-kros tayo, a!” ang paalinlangang wika ni Bebyong.

“Gumapang man siya ay dapat na narito na sa ganitong oras!” dagdag pa.

            “Siya ang bahala, pagkanagkaton ay para siyang nagtanim ng siling-palay!” ang banat ng pinakapuno nang ipagunita ng mga kasamang baka sila ay pinagtataksilan na ng kasamang siya pa namang may dala ng kanilang pinalakaya.

            Nguni’t ang kanilang pinag-uusapan ay hindi pa nakaalis sa loob ng silid sa oras na iyon. Nagpapakaliit-liit ito sa pagtatago.

            At nang masok ang dalaga ay nakasilip si Siso sa siwang ng kurtinang pinangungublihan. Muntik na siyang mapasigaw nang makita ang dalagang nanasok, na sa liwanag ng ilaw na may sindi na noon, ay nakilala niya. Kilalang-kilala niya at kung makailang ipikit ang mga mata ay idilat na muli ay iyon at iyon din ang kanyang nakikita. Pinatay nito ang ilaw na nasa kisami at ang pinihit ay ang liyabe ng ilawang nasa ulunan ng katre. Pagka’t ang pinagtataguan ng magnanakaw ay nasa dakong paanan ng nakahiga, ay kitang-kita nito ang mukha ng dalagang naiilawan. Nanghihilakbot si Siso sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya akalaing doon humantong ang ang kauna-unahan niyang pagsama sa nakawan.

            Kilala niya ang dalagang ito. “Julita,” ang bulong ng magnanakaw, “patawarin mo ako!” dagdag pa sa sarili. Nagbangon sa alaaala niya ang kanilang kahapon ng dalagang ito na ngayon ay kanyang kasukob sa iisang silid at siya pa nilang ninakawang magkakasama.

            Kasintahan niya ang dalagang ito nang siya’y nasa lalawigan pa. Kaya’t labis siyang nagtaka kung bakit maparito sa Maynila ang mag-anak na ito at siya pa namang nagkataong namanmanan ng kanyang mga kasamahan upang pagnakawan nila. Noon lamang siya nakasama sa pagnanakaw na ginagawa ng pangkat na yaon.

            Bagong singki siya. At ang pasinaya ng kanyang malaking kapangahasan at kasalanang nagawa ay sa tahanan pa namang kinalalagyan ng mag-anak na ito niya idinaos.

            Lumabas na kaya siya at pakilala kay Julia? Aminin na kaya niya sa dalaga ang lahat? Nguni’t iyon ay isang lubusang pagtapos na sa kanyang kapalaran at kaligayahan. Hindi siya mauunawaan ng kanyang katipan kahi’t na niya ibalik ang mga kayamanang nasa bayong at kanilang ninakaw. Hindi niya maibabalik ang pagtitiwala at pagmamahal nito sa kanya, at sa gayon ay mabuti pa ang magpakamatay na siya.

            Paano ang kanyang mga panukala? Paano ang kanyang pag-ibig? Paano ang pangako sa kanya ni Julita nang sila’y huling magkita bago siya lumuwas ng Maynila na oras na may maipagmamalaki na siya ay walang atubiling pakakasal sa kanya ang binibini? Paano lahat nang iyon? Mauuwi sa wala! Malalagot ang katapustapusang taling bumibigkis sa kanilang pag-ibig at pagkakaunawaan.

            Sa laot ng gayong pagdidildili ay nagsipanauli sa kanyang alaala ang kanilang nakalipas ni Julita.

            Noo’y maligaya silang nag-iibigan at nagmamahalan. Isang pag-iibigan at pagmamahalang lingid sa kaalaman ng magulang ng dalaga. Nguni’t, ang gayo’y hindi nagtagal, sapagka’t isang hapon ay natutop sila ng matandang don sa matamis nilang pagniniig sa magandang halamanan. Nagulat siya at namutla nang bigla na lamang lumitaw sa kanilang harap ang matandang sa mukha’y nakikintal ang matinding poot.

            “Walang hiya! Walang utang na loob!” ang bulyaw sa kanya ng matandang nangangatal ang tinig sa malaking poot.” Hindi ko akalaing ito pa ang iganti mo sa akin matapos na ikaw ay pagpalain ko at magmukha kang tao sa ilalim ng aking mabuting pagtuturing.

            Nadama niyang ang masakit na pangungusap na iyo’y higit pang mahayap sa isang patalim na buong diing itinarak sa kanyang puso. Nasaktan ng gayon na lamang ang kanyang damdaming umiibig at nagmamahal. Nagsikip ang kanyang dibdib. Ibig niyang magsalita’y parang sinisikangan ang kanyang bibig. Ibig niyang magpaliwanag ay hindi niya makuhang igalaw man lamang ang kanyang labi. Kaya matapos na sulyapan ang dalagang noo’y luhaan ang mga matang nakatitig sa kanya, ay nagyuko na lamang siya ng ulo at ang masakit na paghamak ng matanda ay buung puso niyang tinanggap.

            “Lumayas ka!” ang muling bulyaw ng matandang wala nang pagsidlan sa matinding poot. “Dapat mong maalamang ang aking anak ay pinaglalaanan ko ng isang magandang kinabukasan. Siya’y hindi para sa isang patay-gutom na tulad mo! Ikaw ay walang karangalang maaari niyang maipagmalaki sa kapuwa.”

            … At sila’y nagkalayo nga. Isang pagkakalayong habang nagtatagal ay lalo namang nagpapasidhi sa kanyang pananabik na makausap at makanig ang katipan sa paghahangad na matiyak ang kapalaran ng kanyang pag-ibig. Hindi naman naging lubhang maramot ang pagkakataon, at isang araw ng linggo ay nagkausap sila sa harap ng simbahan. Kahi’t nagmamadali ng pagsakay si Julita sa awto nitong naghihintay ay narinig niyang muli ang pagpapatibay nito sa pangako at sumpang hindi makalilimot sa kanya, maghintay-hintay pa nga lamang sila nang kaunting panahon hanggang sa lumubag ang galit ng don.

Naunawaan niya ang ibig sabihin ni Julita. Kaya’t umalis siya sa kanilang bayan at ang tangka’y humanap ng pagkakakitaan at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Tapos na naman siya ng hayiskul at kung magtitiyaga siya ay makatatapos din ng pag-aaral sa kolehiyo. Labing-walong taon lamang siya. Bata pa rin si Julita, labimpito lamang iyon at kainaman na ang kanilang gulang kung siya’y makatatapos agad.

            Nguni’t sa Maynila ay napakaramot ang kapalaran. Naubos na ang kanyang baon ay hindi pa siya nakakikita ng mapagkakakitaan.

            Nawalan na siya ng pag-asa. Ang pangit na anyo ng kabiguan ay palaki nang palaki at kung wariin niya’y hindi na niya makakayang pawiin sa paliit nang paliit na lakas na natitira sa kanyang buhay. Sa wakas ay ipinasiyang sa ibang paraan hanapin ang kanyang layuning hindi makamtan sa mabuti.

            Talagang makipot ang pintuan sa pagtungo sa mabuti at maluwang sa pagpasok sa masama. Isang araw ay nakatagpo niya ang pinuno ng mga magnanakaw sa Maynila.

            Ang pagkakatagpo sa kanya ay sa isang pagkakataon. May isang babaing inagawan ng dalawang lalaki ng bitbit na handbag nito. Namataan niya ang ginawa ng mga walang loob at kanyang sinunggaban ang isa sa mga ito at inihampas sa aspalto, kaya’t nadakip ng mga pulis. Nakikita pala siya ng pinakapuno. Kinaibigan siya, inakit siya sa malalaki nilang kita, pinasandali pa siya ng dalawampung piso. Sa wakas nay nahimok siya na makisama sa kanilang pangkat, palibhasa’y wala na rin lamang siyang pag-asa sa buhay. At ang pasinaya nga ng kanyang pagnanakaw ay nang gabing iyong malagay pa siya sa katayuang mapanganib.

            Nasa gayon siyang pagdidili-dili nang batakin ni Julita ang kadenitang tansong kaugnay ng ilaw-dagitab na nasa ulunan nito. Nakita pa niya ang huling paghihigab ni Julita bago napawi ang liwanag. Tiyak na nag-aantok na ang dalaga at ito’y makakatulong pagkatapos pa ng ilang sandali.

            Naririnig na ni Siso ang mga tilaok ng manok. Nakiramdam siya. Niyari na niya ang isang pasiya. Iiwan niya ang bayong ng salapi at alahas at sisikapin niyang makapanaog nang walang makamamalay, palibhasa’y tahimik na rin sa silid ng don at ng donya.

            Nakalabas na maluwalhati si Siso sa silid, nakapanaog nang hindi man lumangitngit ang pintuang malaki at nakapakabila sa bakod sa likod bahay at sa eskinitang madilim at makipot na lalo pang pinadidilim ng malalagong puno ng mga saging ay nakatalilis siya at bago lumiwanag ay nasa kanya nang sariling silid sa loob ng isang kubong ang bubong ay lona sa ibabaw ng isang tambakan sa may Tayuman.

            Ginising na siya ng mga kasamahan nang mag-iikasampu ng umaga at hinahanap na pilit sa kanya ng kanilang pinagnakawan.

            “Naiwan ko sa pagtakas!” ang kaila ni Siso.

            “Huwag kang ulol! Hindi kami ang maloloko mo!” ang wikang nagbabanta ng pinakapuno.

“Maghintay muna kayo ng hanggang mamayang hapon at malalaman ninyong hindi ako nagsisinungaling. Doon ko naiwan sa may hagdanan ang bayong at tiyak na mababasa ninyo sa pahayagan ang aking sinabi.

Totoo nga ang sabi ni Siso. Nabasa nila sa pahayagan ang ukol sa nakawan sa tahanan nina Julita at nakalagay rin doon ang larawan ng bayong ng salapi at alahas na ninakaw na ayon sa balita’y naiwan ng mga mandarambong sa pagmamadali ng pagtakas.

            Nguni’t ang hindi nakalagay sa pahayagan ay ang sinabi ni Siso na sa may hagdanan niya naiwan ang bayong. Ayon sa pahayagan at sa silid ng dalaga nakuha ang ninakaw.

            Tuwangtuwa ang mag-anak na naniniwala bago mag-umaga na nawalan sila ng kulang-kulang na isang daang libong pisong kayamanan.

            Sa lathala ay sinasabi ring iilang linggo pang nabibili nina Julita ang malaking bahay na iyon upang didto na nga manirahan sa Maynila ang mag-anak at nang ang dalaga ay makapagpatuloy ng pag-aaral. Kaya’t natalos na ni Siso ang sanhi kung bakit nasa Maynila ang mag-anak.

            Nguni’t nagpakitabay si Siso sa kanyang panatang magpakabuti na. Huwag nang ulitin ang kasalanang ikinabingit din niya sa panganib. Para namang pinapatnubayan ng mabuting kapalaran ay nakatagpo siya ng gawain. Naging mensahero siya sa isang bahay-kalakal. Kaya’t kahi’t anong amuki ang gawin ng mga kasamahan ay tumanggi na siyang magkasala ulit at nang pagpipilit ang mga iyon ay pinagbibigwasan niya ng buntal na ikinalugmok ng mga ito.

            Sa bagong hanap-buhay ay hinugasan niya ang minsang pagkakamali sa pamamagitan ng katapatan sa tungkulin. Ang katalinuhan, sipag at kabaitan ni Siso ay pinakinabangan niya. Wala pang isang taon siya sa pinapasukan ay naging karaniwan na siyang kawani. At sa sariling sikap at tiyaga ay natuto siya ng pagmamakinilya at ng takigrapiya. Noon ay tapos na siya ng preparatorya sa abogasya.

            Subali’t sa boong panahong iyan ay tiniis niyang huwag pakipagkitaan si Julita. Ipinanata niyang hindi siya ihaharap sa katipan hanggang wala siyang maipagmamalaking katangian.

            Nang makasapit si Siso sa huling taon ng kolehiyo ng abogasya ay pangalawa na siyang kahero sa kanilang bahay-kalakal. Noon ay magilas na si Siso. May sarili na siyang awtong segunda-mano.

            “Pagbutihin mo iho ang pag-aaral at hihirangin kitang abogado o tagapamahala ng kumpanya pagkatapos mo!” ang wika sa kanya ng may-ari ng bahay-kalakal sa nakikita niyang pagsisikap, kasipagan at katapatan sa tungkulin at pag-aaral.

            Nang magsulit si Siso sa Korte Suprema ay pangatlo siya sa nagtamo ng mataas na promedyo. Nabasa ni Julita ang karangalang natamo ng kanyang katipan. Akala niya’y nawala na si Siso. Isip niya’y nawala na si Siso. Isip niya’y naglayas na ito nang malayung-malayo. Umalis na sa Pilipinas upang huwag siyang makita.

            Gayon na lamang ang galak at pagmamalaki ni Julita. Sa simbuyo ng kalooban ay sinadya siya sa kanyang opisina.

            “Akala ko’y umalis ka na sa Pilipinas! Bakit mo ako natiis na hindi sinulatan sa gayong maraming taon, mahal ko” ang pasumbat na wika ni Julita.

            “May kasalanan ako, Julit!” ang marahang wika ni Siso na nakatingin sa malayo.

            “Gumagawa ka ng dahilan! Oo nga, isa ka nang abogado ngayon!”

            “Hindi Julita!” at sa malinaw at madalang na salia ay binalikan ni Siso ang gabi ng nakawan. Sa simula ay ayaw maniwala ni Julita. Nguni’t sa wakas ay sumagot din siya:

            “Totoo man halimbawa ay lalo kitang ipinagkakapuri, sapagka’t iniwan mo ang bayong. Kung iba ang nakapagnakaw ngayon, kundi ikaw ang may-dala niyon ay kulang-kulang na isang daang libo ang nawala sa tatay at sa nanay!”

            “Ngayon ay isipin mo kung paano ko pa matatanggap ang karapatang ibiniyaya mo sa akin?” patanong na wika ni Siso.”

            “Tama na! Kung gumagawa kka ng dahilan ay magsabi ka nang totoo, Siso. Ako’y naparito upang hingin sa iyong tupdin ang iyong pangako. Ang kailangang ko’y isang asawang masama na bumuti at hindi mabuting sumama! Sagutin mo ako nang maliwanag, tiyak at tapatan, iniibig mo pa ba ako, o hindi na?

            Hihintayin kita mamaya sa bahay, kung gayon; hingin mo sa tatay ang kamay ko, naririnig mo ba?

            “Opo, senyorita, subali’t kung itanggi?” ang tanong na pabiro pa ng bagong abogado.

            Kung itanggi! Magtatanan tayo sa kinabukasan!

NANG makaalis na si Julita ay siyang pagpasok sa tanggapan ni Siso ng may-ari ng bahay-kalakal.

            “Siso, naipangako ko sa aking kaibigan na ikaw ang abogadong hahawak ng kanyang asunto. Iyon ay isang usapin sa lupa; sibil ang usapin, na kaya hindi matuluy-tuloy na mahawakan ng ibang abogado ay hati ang ibig na maging kondisyon. Ilaban mo ng walang bayad at kapagka naipanalo mo ay gagawin kitang manedyer ng kumpanya, yamang ang tagapamahala ay nagbabalak nang mamahinga dahilan sa katandaan.

            “Kung ano pa ang ipinag-uutos ninyo!” ang makumbabang sagot ni Siso.

            “Kung gayon ay isasama kita mamayang gabi sa kaibigan ko!” anang may-ari ng bahay-kalakal.

            Nang tumigil ang awto ng may-ari ng bahay-kalakal sa tapat ng bahay na kanilang sadya ay uulik-ulik pa si Siso ng pagpasok sa tarangkahang bakal. Iyon ang bahay nina Julita. Iyon ang kanyang pinagnakawan. Malilimot baga niya ang tahanang iyon? Nguni’t naroroon na’y mahirap na ang umurong. Sumunod siya sa pagpasok ng maykayag sa kanya.

            Ang tatay nga ni Julita ang kaibigan ng may-ari ng bahay-kalakal.

            “Huwag mo nang ipakilala sa akin ang aking mamanugangin!” ang tatawa-tawang wika ng ama ni Julita sa may-ari ng bahay-kalakal.

            “Siyanga ba? Malaking karakoles!” ang napatawa na lamang wika ng may-ari ng pinaglilingkuran ni Siso.

            Gayon na lamang ang tuwa ni Julita.

            Doon pa sila humapon. Habang kumakain ay isinasalaysay ng ama ni Julita ang lupang nasa usapin. Nakikinig namang mataman si Siso.

            “Nakita mo na!” ang wika ni Julita nang sila’y nagkakasarilinan na ng bagong abogado pagkatapos na makakain.” Ngayon, hingin mo na ang kamay ko,” malambing pang wika.

            “Hindi pa maaari!” ani Siso.

            “Hindi na naman, bakit?”

            “Pagkatapos ng usapin. Ito ang subukan kung maaari na akong manugang.”

            “Nguni’t sibil ang usaping iyan at ang mga usaping sibil ay tumatagal daw ng taon?” paalinlangang wika ni Julita.

            “Pipilitin kong matapos agad! Magtiwala ka sana, buhay ko!”

            Dalawang buwan nga lamang naman ay natapos ang usapin at naipanalo ni Siso. Tigas na tuwa ng ama ng dalaga. Kung ano ang kanyang alimura sa mamanugangin nang ipagtabuyan ito ay gayundin naman ang pagmamalaki niya sa sinumang makausap sa katalinuhan ng binata.

            “Tapos na marahil ang usapin, ano?” ang patuya, pabiro at magiliw na wika ni Julita!

“Tapos na rin kaming nag-usap ng tatay mo!” ang nakatawang wika ng binata.

“Ano ang sagot?”

“Siya pa ang nakiusap sa akin,” ang pagyayabang ng binata.

“Kay laking hambog nito,” pasimangot na wika ng dalaga na kinurot pa sa bisig ang abogado.

(Wakas)