Ang Sining ni QUICCS

Mga unique at kamanghamanghang likha ni Quiccs.

Ni Luday Maiquez-Guiang

SI Juanito Maiquez o mas kilala sa pangalang Quiccs, ay isang tanyag na toy artist hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bansa. Ang kanyang laruan ay may pangalang “TEQ63”. “TEQ” para sa salitang “technique” at ang 63 ay galing naman sa telepono ng Pilipinas na nagsisimula sa +63.

Quiccs Maiquez at ang mga likhang TEQ63 martian toys.

Nagsimula bilang isang Graphic Artist si Quiccs. Gumagawa siya ng iba’t ibang disenyo para sa mga produkto at promos ng iba’t ibang kumpanya. Hilig talaga niya ang pagpipinta ng graffiti at paggawa ng mga laruan kaya ito ang tinahak niyang karera. Simula pa noong 2012 ay gumagawa na ng laruan si Quiccs. Siya mismo ang nagdidisenyo ng mga ito, gumagawa ng molde at pinipintahan niya base sa kanyang mga inspirasyon. Kadalasan, ang mga ito ay base sa Japanese Robots, Hip-Hop Music and Graffiti Art. Ang lahat ng mga elementong ito ay kanyang kinalakihan simula pagkabata.

TEQ63 Manila Killa

Ilan sa mga sikat na disenyo ni Quiccs ay ang mga pakikipagtulungan niya sa mga sikat na kumpanya tulad ng Adidas Philippines at Jollibee Foods Corporation para makapagbigay ng magagandang laruan, damit at sapatos sa mga Pilipino. Mahilig din ang mga Pilipino sa mga disenyo ni Quiccs na hango sa kulay ng Pilipinas. Tinatawag niya itong, Manila Killa. 

TEQ63 vynyl toy

Bukod sa laruan, damit at sapatos, nagbunga rin ang sining ni Quiccs sa mga inumin, gamit na pangkompyuter, mga larong baraha, mga laruang kotse at marami pang iba. Taos-puso siyang nagpapasalamat sa mga sumusuporta sa kanyang sining, mapabata man o mapamatanda. Marami na rin siyang mga nagawang gallery at shows sa Philippines, Thailand, Indonesia, Singapore, Hong Kong, Malaysia, Mongolia, Mexico, New York, Los Angeles, Dubai at Abu Dhabi. 

Secretlab QUICCS Edition chair 

Sa isang panayam kay Quiccs, payo niya sa mga kabataan ay ipagpatuloy lang ang gusto nilang gawin. Mahalin ang ginagawa, dahil isang araw ay mapapansin din ito. Basta maging totoo sila sa mga paniniwala, mga hangarin at pangarap.

Abangan ang mga susunod na proyekto ni Quiccs na siguradong ipagmamalaki nating mga Pilipino sa buong mundo.