ANG TARIKTIK

Ni PETER SOLIS NERY

(Ang kuwentong ito ay nagkamit ng Unang Gantimpala sa Palanca Awards 2023 para sa Maikling Kuwento)

NOONG Pebrero 25, 1986, matagumpay na napatalsik ng People Power Revolution sina Pangulong Ferdinand E. Marcos at ang kanyang buong pamilya mula sa Palasyo ng Malacañang, na kanilang pinagpugaran ng mahigit dalawampung taon. Inilikas ang mga Marcos ng apat na Amerikanong helikopter una sa Clark Air Force Base sa Pampanga bago inilipad sa Guam at itinuloy sa Hawaii, kung saan namatay ang pinalayas na diktador pagkalipas ng tatlong taon.

Dalawang buwan pagkatapos ng People Power Revolution, ang pilantropong si Bayani Lizares Lacson ng Bacolod ay nanalumpati at nagpabatid ng kanyang mga pangarap bilang unang pangulo ng Negros Forests and Ecological Foundation. Wika niya, magtatayo ang Foundation ng iskolarship pangkolehiyo para sa pag-aaral ng mga katutubong halaman at hayop ng Pilipinas. Nang hapong ding iyon, sa programa ng pagtatapos ng Negros Occidental National High School, iginawad ni Lacson ang unang iskolarsyip kay Daniel Aceros, ang balidiktoryan na nagdiwang ng kanyang ikalabing-anim na kaarawan nang mismong araw na iyon.

Sa kanyang kamusmusan, may di-maibsang pagkamausisain si Daniel tungkol sa mga halaman, insekto, at hayop. Maraming oras ng paglalakbay sa kagubatan sa paanan ng Bulkang Kanlaon ang ginugol niya para siyasatin at busisiin ang mga bulaklak, at pakinggan ang huni ng mga ibong matatagpuan lamang sa masukal na bahagi ng gubat. Pagkatapos, masining niyang iginuguhit mula sa alaala ang mga eksotikong ligaw na mga hayop at halaman na kanyang nasaksihan doon.

Sa gubat unang nakita ni Daniel si Otto Kauth, isang Alemang ornitolohista na nag-aaral ng mga Asyatikong kalaw na matatagpuan lamang sa mga isla ng Panay at Negros. Noong una, pinagtawanan lamang ni Daniel ang Aleman na sumasandal sa matitipunong puno ng lawaan para kilalanin ang pagkakaiba-iba ng mga huni ng sari-saring uri ng ibon. Ngunit nang lumaon at mas nagkakilala sila, parang nahalina si Daniel sa sigasig at malawak na kaalaman ng siyentista; ang kanyang panunudyo ay nabaling sa respeto at interes sa gawain ni Otto. Kaya hindi kataka-takang magboluntaryo si Daniel na maging gabay ni Otto sa makapal at mapanlinlang na kagubatan sa paanan ng bundok; walang kamuwang-muwang na ang kanyang dakilang Lolo Ramon ay dating tagagabay din sa nasabing gubat.

*  *  *

Isang siglo ang nakararaan, noong Pebrero 25, 1886, isang batang lalaki ang isinilang ng walang-asawang katulong ng Kastilang insular at hacienderong si Don Felipe Aceros. Nakitaan ang sanggol ng malalaking tainga, balat na puting mga linya sa puwet, kakatwang dilaw na baba, at nakabibinging iyak na parang ibon. Sa isip-isip ng hilot na nagpaluwal sa kanya, kamukha ng bata ang ibong tinatawag na tariktik ng mga tagabaryo.

Pagkaraan ng tatlong araw, dahil sa komplikasyon ng madugong pagpaanak, pumanaw ang katulong na hindi man lang nakapagturo ng ama ng bata. Nakisalo sana ang sanggol sa malungkot na puntod ng kanyang ina kung hindi sa pusong-ina ng baog na si Doña Victorina at sa kabaitan ni Don Felipe. Sa halip, ang bata ay pinangalanang Ramon; at si Don Felipe, na naantig sa pagkatuwa ng kanyang asawa sa sanggol, ay nagbigay sa kanya ng apelyidong Aceros.

Si Ramon Aceros ay pinalaki bilang anak ng mayamang mag-asawa, kakambal ang lahat ng karapatan ng marapat na tagapagmana ng Hacienda Aceros. Lumaki siyang malakas at may tiwala sa sarili sa piling ng kanyang mapagmahal na umampong mga magulang.

Sa pagtatakip ng ikalabing-siyam na siglo, naging madugo at mabangis ang pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa kalayaan mula sa Espanya, kahindik-hindik ang mga karahasan at paninirang idinulot ng kapwa panig. Nagdeklara ng giyera ang Estados Unidos sa Espanya, inatake at kinamkam ng mga Pilipinong tulisan at oportunistang rebolusyonaryo ang Hacienda Aceros, sinunog ang plantasyon ng tubo, ninakawan ang mansyon, at dali-daling pinaslang ang mga walang-laban na Kastilang may-ari.

Nasaksihan ng labing-dalawang taong gulang na si Ramon ang pagpagulung-gulong ng ulo ng kanyang mga taga-ampon sa makintab na sahig ng kusina. Tumakas siya sa makapal na kagubatan ng Kanlaon kung saan siya, ang pinakahuling Aceros sa isla ng Negros, ay nabuhay na parang si Tarzan ng kung ilang taon hanggang naging ligtas na para sa kanya ang pagbalik sa kabihasnan.

*  *  *

Habang nagtatago si Ramon, at ang labanan ng Espanya at Estados Unidos ay nabaling mula sa Pilipinas patungong Cuba, sa Cambridge, Massachusetts, dumalo ang tanyag na ornitolohista ng Harvard na si Robert Randolph Walden sa isang salu-salo para sa kanyang ikatatlumpu’t isang kaarawan at matagumpay na hip replacement surgery. Nang gabing iyon, isa pang hapunan ang ihinanda para parangalan ang pagkahalal sa kanya bilang pangulo ng Boston Audubon Society, isang grupo ng mga bird enthusiasts na pinangalanan sunod kay John James Audubon, ang Amerikanong naturalista at pintor ng mga ligaw na hayop. Sa kanyang talumpati pagkatapos ng hapunan, inilahad ni Walden ang mga plano ng samahan para organisahin ang ekspedisyon para siyentipikong mapag-aralan ang mga ibon sa mga bagong teritoryo ng Amerika sa Pasipiko. Matunog siyang pinalakpakan sa kanyang ambisyoso at progresibong proyekto.

Makaraan ang apat na taon, lumayag patungong Pilipinas ang mga dakilang kasapi ng 1902 American Cultural-Scientific Expedition. Ang biyaheng iyon ay nakalaang magpabago ng buhay ni Walden, na isa sa mga unang Amerikanong iskolar na nag-aral ng ekolohiya ng bagong koloniya. Binalak niyang ilarawan ang tirahan at ugali ng mga ibon na sa Pilipinas lamang matatagpuan, at pinangarap niyang makatagpo ng isang uri ng ibon na hindi pa nadiskubre at puwede niyang pangalanan. Tatlong taon ang nakararaan, ang kanyang guro at dating pangulo ng Audubon Society, si James de Vis Newton, ay nakatuklas at nagpangalan ng bagong uri o species ng bowerbird – ang Prionodura newtoniana.

Tatlumpu’t limang taong gulang si Robert Walden nang makilala niya ang labing-anim na taong gulang na si Ramon Aceros sa isla ng Negros. Sa kabila ng agwat ng kanilang mga edad at pagkakaiba ng kanilang mga wika, mabilis na nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Tinanggap ni Ramon ang alok na maging gabay ng ginagalang na propesor sa kagubatan ng Kanlaon para hanapin ang mailap na kalaw na may kulubot na tuktok na napapabalita lamang pero hindi pa napatunayan ng siyensya.

Masipag at ekspertong gabay si Ramon. Sa kanyang mga taon ng pagkukubli sa gubat, naging dalubhasa ang kanyang pandinig sa mga huni at awit ng mga ibon. Nakakalapit siya sa mga tariktik dahil nagagaya niya ang kanilang natatanging tunog na “au-au-au-auk.” Alam niya kung aling “au” ang mahaba, alin ang tinutunog na maigsi at matinis, para perpektong makopya ang panawagan ng mga ibon para magtalik.

Walong buwang sina Ramon at Robert lamang dalawa ang magkasama sa mapusok at masukal na kagubatan. Ang kanilang ugnayan ay pinagtibay ng kapwa pagkagutom, pagod, lungkot, at mga panganib ng Bulkang Kanlaon. Nagkaroon sila ng tahimik na lengguwahe, nag-uusap sa kanilang mga mata upang hindi mabulabog ang mga ibong kanilang tinitiktikan. Walang kapaguran si Ramon at nalulusutan niya pati ang pinakamahirap at di-mapagkatiwalaang mga daanan sa makapal na gubat. Pagkatapos ng mahabang araw, ginagantimpalahan siya ni Walden ng mga tsokolateng dala nito mula sa Amerika.

Sa kanilang ika-sandaang araw ng pagkakasama, isinulat ni Walden sa kanyang kwaderno na natitiyak na niyang ang tariktik ni Ramon ay isang bagong uri ng kalaw, na natatangi lamang sa Pilipinas.  Naiguhit ni Ramon ang larawan ng magandang ibon at ibinigay niya ang lahat ng impormasyon at detalye na kinailangan ni Walden para maayos at tumpak na mailarawan ang tariktik ng Negros sa International Ornithological Congress.

Lubang sentimental, isinakwaderno rin ni Walden na tunay na siyang nabighani sa kanyang Pilipinong tagagabay. Naunawaan ni Ramon ang gusto ni Walden. Tiniyak niyang naunawaan ng puting Amerikano na iyon din ang kagustuhan niya. Ang mga araw nilang magkasama sa kubli at masukal na bahagi ng gubat sa paanan ng Bundok Kanlaon ay lubhang napakaligaya, mistulang paraiso na tanging ang mga nilikhang taga-gubat lang ang saksi. 

*  *  *

Sinimulan sa Vienna noong 1886 at pinupulong kada apat na taon mula noon, ang Pandaigdigang Kongreso ng Ornitolohiya ay isang pagtitipon ng mga siyentista, iskolar, at iba pang mga dalubhasa sa pag-aaral ng mga ibon na nagbibigay ng pagkakataon para maibahagi ang mga kaalaman tungkol sa pamilyar na mga ibon, at para mapangalanan ang mga bagong-tuklas na species.

Isang gabi ng Disyembre na walang buwan, habang nakahiga siyang natutulog sa tabi ni Ramon, nakangiting nanaginip si Robert Walden tungkol sa kanyang pagdalo sa Kongreso ng 1904 para ipakilala sa mundo ang pinakamamahal na tariktik nila ni Ramon.

Sa panaginip, nagsalita si Ramon sa harap ng nakatipong mga dalubhasa: “Ang mga matataas na puno at kasukalan sa palibot ng Bundok Kanlaon ay tahanan para sa mga tariktik, isang uri ng kalaw na dati ay hindi pa nadokumento. Ang mga ibon ay nabubuhay sa pagkain ng mga ligaw na bunga at maliliit na mga hayop at ahas.”

Sa kanyang panaginip, ngumiti si Walden habang isinulat niya ang mga salitang “wild fruiting figs” sa kanyang itim na kwaderno, idinagdag niya na ang mga tariktik ay lubhang mahalaga sa pagpapalago ng mga gilid ng kagubatan dahil ikinakalat nila ang libu-libong mga buto ng prutas.

Nagpatuloy ang panaginip. Nagtanong si Walden, “Paano ang kanilang mga kulay?” at sumagot si Ramon, “Tulad ng ibang mga ibon, ang lalaking tariktik ay nagtataglay ng mas matingkad na mga kulay kaysa sa babaeng tariktik, kapansin-pansin ang kanyang mapula-pulang ulo, leeg at dibdib. May tuktok itong dalandan na napapaibabawan ng malaki at matigas na alipukpok. Ang mga pakpak nila at likod ay kayumanggi na may berdeng kinang. Itim ang kanilang buntot na may malalaking puting mga guhit katulad ng balat sa aking puwet.” Sa panaginip, ngumiti si Ramon kay Walden, habang humagalpak sa katatawa ang mga siyentipikong nakatipon. Umehem si Ramon at nagpatuloy: “Masingkal na dilaw ang baba ng mga tariktik, katulad ng sa akin.”

Ngumiti si Walden sa kanyang pagtulog. Lingid sa kanyang kaalaman, tinukso noon si Ramon na batang-tariktik ng hilot na nagpaluwal sa kanya. Tapos, seryosong sinabi ng propesor kay Ramon: “Ang iyong tariktik ay makikilala sa buong mundo. At ikaw rin, dahil ikaw at ang ibon ay iisa.”

Ngunit hindi pa tapos si Ramon. “Ang babaeng tariktik ay kadalasang abu-abuhin o kaya ay kakulay ng kape, wala itong magarang adorno katulad ng lalaki. Mula Marso hanggang Mayo, nakakubabaw lang ang babaeng tariktik sa kanyang pugad na may dalawa o tatlong itlog.”

*  *  *

Pagkatapos ng halos isa pang taon sa mga isla ng Panay at Guimaras upang pag-aralan ang Visayan wrinkled hornbill, umuwi sa Amerika na bagong tao si Propesor Robert Randolph Walden. Tinalikuran niya ang kanyang katungkulan sa Harvard, at iginugol ang kanyang panahon sa pagsulat ng mga dokumento tungkol sa tariktik ng Negros, at sa kanyang naging buhay sa Pilipinas. Nagsulat din siya ng mga lirikong tula tungkol sa isang “Pinakamamahal” na nagbigay sa kanya ng di-inakalang kaligayahan sa paraisong iyon sa Dagat Pasipiko. Ang mga kasulatan tungkol sa tariktik ay inilathala sa mga dyurnal ornitolohiko, ngunit ang mga tula ay nanatiling nakatago sa lihim na kabinet sa silid-aralan sa bahay ng propesor. 

Naging masigasig na estudyante ng kasaysayan at ng nakaraan si Walden, hayok niyang binasa ang mga aklat tungkol sa mga makalumang sibilisasyon. Nakatagpo siya ng kalinga sa mga kuwento nina David at Jonathan, Alexander the Great at Hephaestion, Achilles at Patroclus, Tully at Octavius. Nakakita ng katugma ang kanyang puso sa mga pilosopiya nina Socrates, Plutarch, Virgil, at Horace – mga lalaking umibig, katulad niya, ayon pa kay Oscar Wilde, ng pag-ibig na ayaw magbanggit ng kanyang pangalan.

Subalit hindi na siya muling bumalik sa isla ng Negros o sa kanyang pinakamamahal na si Ramon Aceros.

Nang lumaon, ikinasal si Ramon kay Juanita Parcon at nagkaanak sila ng lalaki na pinangalanang Roberto sunod kay Robert Walden, ang Amerikanong kaibigan ni Ramon. Si Roberto ay ama ni Ismael, na ama ni Juancho, na ama ni Salvador. Bawat isa sa kanila, nag-iisang anak, lahat sila lalaki, at lahat naging ama sa edad na labing-anim, maliban kay Salvador na dise-otso ng isilang si Daniel noong 1970.

*  *  *

Habang nag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas gamit ang kanyang iskolarsyip, part-time ring nagtrabaho si Daniel Aceros sa maliit na zoo at sentrong pagamutan ng mga hayop na pinapatakbo ng Negros Forests Foundation sa Lungsod ng Bacolod. Ang mini-zoo ay nagbibigay ng ligtas na lugar para sa mga sugatang hayop, mga hayop na nabawi mula sa mga poachers, pribadong kolektor, at black market. Si Daniel ang naatasang responsable sa pag-aaruga ng mga nailigtas na ibon, lalo na ng mga kalaw. Dahil sa matagal niyang pakikipagkaibigan sa bumibisitang ornitolohista, si Daniel ang inalok ng posisyon bilang katuwang na mananaliksik ni Otto Kauth. Si Daniel ang nagbigay ng mga kaalaman at impormasyong kinailangan ng iskolar na Aleman para makumpleto ang pag-aaral nito sa tariktik.

“Walang nakakaalam kung gaano kahaba ang buhay ng mga tariktik sa likas na mundo nila,” pahayag ni Daniel kay Otto. “Maraming panganib ang sumasagabal sa kanila, pero dito sa zoo, maaari silang mabuhay hanggang labinlimang taon. Habang nakakulong, ang lalaking tariktik ay nagkakaroon ng matinding ugnayan sa mga lalaking tagapag-alaga nila. Kung minsan, napakasidhi ng atraksyon na nawawalan na sila ng interes sa mga babaeng ibon.”

Namula si Otto sa nakakagulat na impormasyong ito. Nakaramdam siya ng pagtapik sa kanyang dibdib.

Misteryosong ngumiti si Daniel at nagpatuloy: “Masasabi nating ang mga tariktik ang pinakabading sa lahat ng mga ibon.” Habang siya’y nagsasalita, nagkabuhay ang kanyang mga kamay, lumipad-lipad sa harap ng kanyang mukha at dibdib na parang mga pakpak ng ibong pumapagaspas. “P’wedeng iyon ang dahilan kung bakit hindi matagumpay ang pagpaparami ng mga tariktik dito sa zoo.”

That’s also why the tariktik are so attracted to you,” bulong ni Otto habang hinuhuli ang mga kamay ni Daniel.

Ibig magmagaling ni Daniel at wastuhin ang salitang “attracted” ni Otto para sa salitang “attached,” na mas gusto niya. Ngunit mahigpit at mainit ang mga kamay ni Otto na nakahawak sa kanya kaya kinagat na lamang niya ang kanyang dila. Hinigop sila ng mga mata ng isa’t isa.

*  *  *

Sa Journal für Ornithologie, na inilimbag sa Frankfurt noong Tagsibol ng 1990, inilathala ni Otto Kauth ang kanyang “Observations on the Breeding Biology of Walden’s Hornbill (A. waldeni) in the Philippines.” Sa nasabing artikulo, pinalawak at inapdeyt ng Alemang siyentipiko ang mga naunang nadiskubre ni Robert Walden tungkol sa pagpaparami, pagpupugad, pangingitlog, at pagpapalago ng Visayan wrinkled hornbill.

Partikularmente, inilarawan niya ang komplikado at interesanteng kaugalian ng pagpupugad kung saan ang babaeng tariktik ay gumagawa ng pugad sa isang guwang o abandonadong lugar ng ibong woodpecker sa itaas ng puno. Gamit ang putik, sinisemento at tinatakpan ng lalaking ibon ng pugarang-butas para ikulong ang babae sa loob. Nag-iiwan lamang siya ng isang maliit na butas kung saan niya ito pinapakain at sinusubuan. Naglilimlim ang babaeng ibon sa kanyang mga itlong at nananatili sa loob ng pugad hanggang sa mapisa ang mga itlog, na tumatagal ng mga dalawampu’t tatlong araw. Pagkanaka ay titibagin ng inang ibon ang sementong putik para makalabas siya, iiwanan ang mga inakay sa loob, at tatakpan uli ang pugarang-butas maliban sa munting guwang kung saan pinapatuka ng mga magulang ang kanilang mga sisiw. Kung ang mga inakay ay labimpito hanggang dalawampu’t dalawang araw na gulang na, sila na mismo ang tumitibag sa sementong putik para makalabas at makisalo sa mundo ng kagubatan kung saan sila mabilis na nagiging eksperto sa paglipad.

Idinagdag din ni Otto ang obserbasyon ni Daniel tungkol sa kakatwang ugali ng mga lalaking tariktik na nagiging sobrang malapit sa mga lalaking tagapag-alaga ng mga ito habang nasa kulungan. Pero naghunus-dili siya sa pagsaad na ang mga tariktik ang pinakabading sa lahat ng mga ibon.

Nang Abril na iyon, natanggap ni Daniel Aceros ang kanyang Batsilyer ng Siyensya mula sa Pamantasan ng Pilipinas sa Bisayas. Naglayag si Lacson, pangulo ng Negros Forests Foundation, patungong Iloilo para personal na igawad kay Daniel ang medalya para sa academic excellence. Pagkatapos na pagkatapos din ng gradwasyon, muling nagtagpo sina Daniel Aceros at Otto Kauth sa Bacolod. Nag-alok ng proposisyon ang Aleman na ikinatulala ng bagong nakapagtapos. At ang dalawang lalaki ay gumugol ng sumunod na labing-anim na taon sa matapat na pag-aral at pangangalaga ng mga endangered species sa Pilipinas. 

*  *  *

Noong Hunyo 6, 2006 – petsang maisusulat din sa kinakatakutang 06/06/06, numero ng diyablo ayon sa mga mapamahiin, ang marka ng halimaw sa Bibliya, isang makapangyarihang kombinasyon ng petsa/numero na hindi na mauulit sa loob ng sandaang taon – iniulat ng mga naninirahan sa isla ng Panay na apat na malalaking tariktik ang natagpuang patay sa kanlurang gilid ng Bundok Madia-as sa probinsiya ng Antique.

Sa Negros, nagising ang Kanlaon at bumuga ng puting singaw-usok at nakakatakot na ulap ng abo, kaya napilitang magbaba ng Alert Level No. 1 ang Philvocs o Philippine Institute of Volcanology and Seismology.

Sa Frankfurt, Germany, ang dilaw na Volkswagen ni Daniel ay bumunggo ng harang sa daan, binalibag nito ang nagmamaneho tagos sa windshield at tumalsik halos limampung talampakan mula sa lugar ng pagkabangga. Nadatnan ni Otto si Daniel bago pa man dumating ang mga paramedics. Naghalikan sila, at nang isinugod si Daniel sa ospital, nalagutan siya ng hininga. Nakangiti si Daniel sa mapagmahal na mga braso ng kanyang pinakamamahal na si Otto nang huli siyang huminga. Pero bago siya pumanaw, ibinigay niya kay Otto ang itim na munting kuwaderno na tagatago ng mga lihim at pangarap ng kanyang puso.

Nang gabing iyon, habang malungkot niyang binabasa ang talaarawan ni Daniel sa makulimlim na ilaw ng kanyang silid, tumambad kay Otto ang isang tala na isinulat apat na taon na ang nakaraan, nang huli silang dumalaw sa Pilipinas. Luhaan ang matang binasa niya: “Ikalabing-anim na paggunita ng Rebolusyon sa EDSA, at kami’y tumatawid ng dagat sa gitna ng Negros at Panay. Hindi ko mawaksi sa aking isipan ang kuwentong aking natuklasan tungkol sa aking dakilang Lolo Ramon. Nilalamon ako ng isang gubat ng mga ligaw na kaisipan at mapang-akit na mga panganib. Pagtula ang tanging kasagutan.” Sa ilalim nito, isinulat ni Daniel ang isang tula.

“Natatanging Ibon”

Sa iyong pangalan, buhul-buhol na kwento –

sina Ramon at Robert lumalangoy na hubad

sa isang sapang birhen na tuluyan nang naglaho

sa kagubatan ng Negros.

Katutubong tagatawag ng mga ibon,

ornitolohistang taga-Harvard

lihim na umibig, lihim na nagnasa sa isa’t isa

ang kanilang pag-irog at pagsinta

parang tsokolateng natutunaw

sa dulo ng dila

naglalasing sa kanila, naghahatid

sa mga litong panaginip, hanggang…

di-pansin ang mga ibong nanonood

di-pansin ang mga ibong tumatawag.

Bagong siglo, at ang mundo’y umikot

ng mga kamay ng kanyang higanteng orasan

hanggang ang mga planeta’y umindayog

sa isipan ni Papa Isyo, at natunaw

naging siyam na bulkang pumuputok

parang siyam na bituing nanganganak.  

Saan patungo ang mundo? 

Pinakasalan ni Ramon si Juanita,

na nanganak kay Roberto

na ama ni Ismael, na ama ni Juancho

na ama ni Salvador, na ama ni Daniel.

Anong panlilinlang! Anong panloloko!

Dalawang lalaki nagsalo sa pag-ibig

sa masukal na gubat, pinandirihan ng lahat 

ngayon, sa kabila ng lahat,

at magpahanggang sa magpakailanman

nanunudyo sa basbas ng kasal.

Sa iyo, natatanging ibon –

pinakabading sa lahat ng mga ibon,

itinali ang kordon

sa iyo, sina Robert at Ramon

pinag-isa hanggang sa walang hanggan

higit pa sa pagpanaw ng buong lahi ng mga ibon. 

Natatanging ibon, anong mga lihim pa

ang iyong kinikimkim? 

Pinalabo ng mga luha ni Otto ang mga salita. Nakita niya sa mga pahina ang matatamis na tsokolateng Amerikano, at ang birhen na sapa. Nakita niya sina Robert at Ramon na tumatakbong hubad sa gubat. Nakita rin niya ang sarili at si Daniel. Nakita niya ang mga umiindayog na planeta ng bisyonaryong rebolusyonaryo na si Papa Isyo na umiikot at kumukontrol sa galaw at kilos ng Bulkang Kanlaon. Nakita niya ang maraming mga mukha na ang papangit, nanunudyo, nanunukso, nang-iinsulto. Nakita niya ang kamangmangan na humahalakhak habang kaharap ang isang magandang bagay na hindi nito naunawaan.

Sa kuwaderno ni Daniel, nakita ni Otto ang mga panaginip ng kanyang pinakamamahal na Pilipino: ang mga pasikut-sikot at mapanlinlang na daanan sa mga kagubatan, ang mga malapad na dahon ng ligaw na badyang, ang mga sawang ga-poste ng kuryente sa Negros ang laki, ang mga dambuhalang bato, ang mga kagila-gilalas na mga ungol ng halimaw sa gubat, pati na ang malaawiting hilik ni Walden.

Binasa ni Otto ang mga tala ni Daniel tungkol sa Late Pleistocene – ang huling Panahon ng Yelo mula 25,000 hanggang 8,000 taon na ang nakaraan. Ang Kapuluan ng Pilipinas ay binubuo ng limang malalaking isla: kalakhang Luzon, kalakhang Mindanao, kalakhang Palawan, Mindoro, at kalakhang Negros-Panay. Nang uminit ang planeta at natunaw ang yelo, ang dagat ay umakyat ng sandaa’t dalawampung metro. Nilunod nito ang maraming mga lambak at kapatagan hanggang natira na lamang ang humigit-kumulang 7,107 matataas na lugar na naging mga islang kinikilala bilang Pilipinas sa ngayon.

Sa mga pahina ng talaarawan ni Daniel, natunghayan ni Otto ang pabaliktad na tumatakbong mental time-lapsed movie na nagpapakita kung paano ang Pilipinas sa ngayon ay dating limang magkakaibang rehiyon biyo-geograpiko. Naunawaan niya na sa Kabisayaan, kung ano ang dating isang isla ng kalakhang Negros-Panay ay siya na lamang ang solong natitirang tahanan ng mga katutubong hayop ng rehiyon dahil ang Cebu, Masbate, at ang mga maliliit na isla ng Ticao, Siquijor, at Guimaras ay nawalan na ng mga gubat na mapamamahayan nila.

Naintindihan ni Otto kung bakit malungkot at nanggagalaiti si Daniel sa dalawampung taon ng diktadura ni Marcos, at sa dalawampung taong nakapanggigigil na pamumulitikang Pilipino pagkatapos noon, na wala man lang nagawa para mapangalagaan ang mga likas na yamang biyaya ng Maykapal. Naunawaan niya kung bakit ganoon na lamang katiyaga si Daniel sa kawsa ng ekolohiya sa Negros: tanging anim na sinangdaan na lamang ang natitirang lumang kagubatan ng Panay; at nakapanlulumong tatlong porsiyento na lang ang natirang gubat sa Negros. Dahilan kung bakit marami sa mga ligaw na hayop at halaman ng rehiyon ay nanganganib na malipol o, ang mas masaklap, lipol na bago pa man mailarawan para sa siyensya.

Ang Philippine spotted deer ay siyang pinaka-endangered na species ng usa sa buong mundo. Ang dating kalat na uri ng usang ito ay hindi na matatagpuan sa ibang isla ng Negros-Panay faunal region maliban sa mismong mga isla ng Negros at Panay. Kaparis ng kalagayan nito ang Visayan warty pig, ang tariktik, at ang isa pang kalaw na kung tawagin ay dulungan.   

*  *  *

Dahil sa mga suliraning pang-organisasyon, ang Pandaigdigang Kongreso ng Ornitolohiya ng 1904 ay ipinagpaliban hanggang 1905, kung kailan idinaos ito sa London. Si Propesor Richard Bowdler Sharpe ang nahirang na pangulo, at si Propesor Robert Walden ng Boston Audubon Society ay isa sa mga dumalo. Doon, sa walang kasuspe-suspetsang pagtitipon ng mga dalubhasa, ikinabit ni Robert Walden ang kanyang kagalang-galang na pangalan sa pangalan ng isang minahal niya nang higit sa lahat. At ang walang kamuwang-muwang na mundo ay pumalakpak sa kanilang pagtambi-pangalan.

Ang patunay ng malalim na pag-ibig na namagitan kina Ramon Aceros at Robert Walden ay makikita ngayon, at sa lahat ng panahon, sa kanilang pinakamamahal na tariktik ng Negros, ang Visayan wrinkled hornbill, na ang pangalang siyentipiko ay Aceros waldeni – ang pinakabading sa lahat ng mga ibon.

(Kinikilalang “Kampeon ng Hiligaynon” dahil sa kanyang mga akdang ginawaran ng mga parangal at mga inisyatibo sa pagpapalago ng panitikang Hiligaynon sa Bisayas at Mindanao, si Peter Solis Nery ay isang Palanca Awards Hall of Famer at Distinguished Alumnus ng UP para sa Literatura at Kultura. Siya ang kauna-unahang Filipinong awtor na inanyayahang panauhin ng Sharjah International Book Fair sa United Arab Emirates.)