Hindi ko matagpuan ang aking buhay… ang hinahanap kong kaligayahan. Napuntahan ko ang gusto kong puntahan. Natikman ko ang gusto kong matikman. Kay lustay rito, lustay roon ang ginawa ko. Ngunit… nadarama kong may hinahanap ako na hindi ko naman malaman kung ano.

Ni EDGARDO M. REYES

(Ang akdang ito ay nagwagi sa timpalak sa Maikling Kuwento sa Liwayway at unang inilathala noong ika-10 ng Disyembre, 1962.)

MAY dalawampu at anim na taong gulang siya. Maputi. Mataas. Matangos ang ilong. Malalamlam ang mata. Malago ang kilay. Ang mga daliri ay parang sa babae. Nakapantalon ng abuhing korduroy at iskiper na kulay-langit. Nagbakasyon ako sa Naga, sa anyaya ng isa kong kaibigan, at nang pabalik na ako sa Maynila, lulan ng tren, ay nagkatabi kami sa kotseng primera klase.

            Nakababagot ang mahabang paglalakbay. At sa kawalan ng mapaglibangan ay nakipag-usap ako sa kanya. Hindi siya masalita, ngunit isa siyang mabuting takapakinig. Malungkot ang kanyang tinig, at ang ilang kasagutan niya sa mga katanungan ko ay tila kakambal ng hiwaga.

            Naitanong ko kung saan siya nanggaling.

            “Marami ‘kong pinanggagalingan,” sagot niya.

            “Naglilibot?”

            “Siguro. Ewan ko.”

            Sa manaka-nakang pagsasalita niya ay natiyak kong malawak ang kanyang kaalaman. Bawa’t paksang buksan ko ay saklaw niya: sining, siyensiya, kasaysayan, relihiyon, pulitika.

            Sa madaling salita ay sinapit namin ang Maynila. Bago kami naghiwalay ay nagkamay kami at napakilala sa isa’t isa.

            “Emmanuel,” sabi niya. “Minsan, magpasyal ka sa bahay.”

            Sinabi niya ang kanyang tirahan; tinandaan ko iyon at nang magkalayo kami ay itinala ko sa likod ng kaha ng posporo.

AYWAN ko kung anong pang-akit mayroon si Emmanuel upang hangarin kong magkita kaming muli. Dinalaw ko siya makalipas ang limang araw. Ikaapat noon ng hapon. Marahil ay labis ang katagang “nanggilalas,” subali’t tunay na nanggilalas ako nang makita ko ang bahay na tinitirhan niya.

            Mahirap ilarawan ang bahay na iyon. Ang masasabi ko lamang, bago ako makapagpatayo ng gayong bahay ay kailangang tumama muna ako ng unang gantimpala sa karaniwang bolahan ng suwipistik. May pulang Thunderbird sa carport.

            Bago ako pinatuloy ng isang utusang babae ay ipinagbigay-alam muna niya kay Emmanuel ang aking pagdating. Nasa salas si Emmanuel ang aking pagdating. Nasa salas si Emmanuel, nakaunat sa mahabang sopa. Nakaputing korto siya, walang damit na pang-itaas. Mabalahibo ang kanyang binti. Ang mukha niya, napansin ko, ay namumula: marahil ay dahil sa alak. Umiinom siya. Nakangiti si Emmanuel, ngunit ni hindi siya tumayo. Inginuso niya ang ang isang sopa. Maingat akong naupo.

            “Kumusta, brad?” bati niya.

“Eto,” kiming sagot ko.

“Iinom tayo, brad.”

Husto sa mga makabagong kasangkapan ang kabahayan. May hi-fi. May telebisyon. May telepono. May bentilador. May piyano.

“Kung alam kong ganito ka, brad,” sabi ko habang sinasalinan ko ng wiski ang basong kaaabot pa lamang sa akin ng utusan, “baka mag-isip ako nang makasampu bago ‘ko magpunta rito.”

“Ow!” Nasakyan niya ang nais kong ipakahulugan. “Walang k’wenta ‘yan!”

Itinanong ko ang mga kasambahay niya.

“Ako lang,” sabi niya. “Saka ilang katulong.”

Sa pag-uusap namin ay nalaman kong ulilang lubos na siya. Ang kanyang mga magulang ay nasawi sa sakuna samantalang nagliliwaliw sa buong daigdaig; umano, ang eruplanong kinalululanan ng mga ito ay bumagsak sa Roma. Ang tanging kapatid niya, lalaki at matanda sa kanya ay may asawa na.

            Ang paksa ay nagawi sa pag-aaral.

            “Tapos ako ng medisina pero hindi ko ginagamit,” sabi niya. “Hindi ko naman kasi hilig ‘yon pero siyang ipinakuha ni Mommy. Doktora si Mommy. Sa bagay, hindi ko naman alam noon kung anong karera ang talagang gusto ko. Ikaw?”

            “Kumuha ‘ko ng komersiyo pero nahinto.”

            “Bakit?”

            “Kinapos,” patawang amin ko.

            “Nagtatrabaho ka na lang?”

            “Nagbibilang ng bituin. Kung medyo ginaganahan, nagsusulat… nagkukuwento ng mga kalukuhan.”

            Dumidilim na nang nagpaalam ako. Inihatid pa ako ni Emmanuel hanggang sa may tarangkahan.

            “Bumalik ka,” sabi niya.

            Tumango ako bagama’t hindi ko tiyak kung mababalik pa nga ako sa bahay na iyon.

NGUNIT nagbalik ako pagkaraan ng dalawang linggo. At gaya noong unang pagsasadya ko roon, si Emmanuel ay dinatnan ko na namang umiinom. Nagkaroon siya ng kainuman. Sa pagbibidahan namin ay naitanong niya kung ako’y mahilig sa babae.

            “Lalaki tayo, brad,” sabi ko.

            “Anong klaseng babae naman ang gusto mo?”

            “Maganda. Mabait. Malambing. Ikaw?”

            “Ewan ko. Maglabas tayo ng babae, gusto mo?”

            May pumitlag sa dibdib ko.

            “Kung sa gusto e talagang gusto ko. Pero hindi ako p’wede ngayon.”

            “K’warta?” Matunog siyang makiramdam.

            Tumango ako.

            “Ow! Walang k’wenta ‘yan!”

            May tinawagan siya sa telepono.

            “Susunduin natin sila mamayang alas-otso,” nang maibaba ang auditibo ay sabi sa akin ni Emmanuel.

            Doon na ako naghapunan. Ikapito ng gabi ay lulan na kami ng kanyang Thunderbird. Dumaan kami sa tindahan ng mga bulaklak at bumili ng dalawang corsage. Nahulaan ko agad kung para kanino ang mga iyon. Naisip ko na hindi yata basta mga babae ang ilalabas namin.

            Hindi nagkabula ang kutob ko. Ang dalawang babaing kinaon namin, sa mga bahay na tila kastilyo, ay kapwa maganda, parang mga manikin. Myria ang pangalan ng nakapareha ko. Nagtabi kami sa hulihang upuan ng Thunderbird. Sa kagandahan ni Myria, at sa bangong nalalanghap ko, ay parang ibig kong mangarap nang gising. Naumid tuloy ang dila ko at bahagya ko nang kausapin si Myria.

            Nagnaitklab kami, uminom, nagsayaw. Magkahalong Ingles at Tagalog ang usapan naming apat. Kalaliman ng gabi ay nilisan namin ang naitklab. Sumagap kami ng hangin sa baybay–dagat. Madilim, ngunit naaninaw ko na hinahalikan ni Emmanuel ang kanyang kapareha. Nobya pala niya, naisip ko. Si Myria, na ni hindi ko sinasanggi ang kamay, tuwing babalingan ko, ay nababanaagan kong nakatingin sa aking mukha.

            “Lanta naman ako sa kaibigan mo, Manny!” sabi na lamang ni Myria, at nagtawa.

            Madaling-araw na nang ihatid namin ang dalawang babae.

            “Ikaw, saan kita ihahatid?” tanong ni Emmanuel.

            “Bakit?”

            “Mayayaman sila, brad. Mahirap silang mapaligaya, kahit na ipaghalimbawa nating mayaman ka rin.”

            Nalaliman ako sa sinabi ni Emmanuel. Natitigan ko siya. Ngumiti siya, ngunit ngiting wari’y kaakibat ng hiwaga.

ISANG gabi’y napansin kong lulugo-lugo si Emmanuel.

            “Maligaya ka ba, brad?” tanong niya, at ako’y natigilan.

            “Kung minsan,” sagot ko. “Pero kadalasa’y hindi.”

            “Sa mga sandaling hindi ka maligaya, alam mo naman ang dahilan kung bakit hindi ka maligaya?”

            “S’yempre. Kabiguan sa mga hangarin, halimbawa.”

            “May kinalaman ang pera sa mga kabiguan mo?”

            “Malaki.”

            Tumingkad ang lamlam ng kanyang mga mata.

            “Hindi ka ba naiinggit sa kalagayan ko?” tanong niya.

            “Sino ang hindi maiinggit sa kalagayan mo?”

            “Nagising ako sa kasaganaan. Mababait, mapagmahal, ang aking mga magulang. Ano man ang hilingin ko sa kanila noon ay ibinibigay nila. Malawak ang kanilang lupain. Si Daddy, bago namatay, ay pangulo ng isang shipping company. Nang masawi sila sa sakuna, kinuwarta ko ang lahat ng ari-ariang minana ko, at inabot iyon nang mahigit na isang milyon! Akin na ang daigdig, sabi ko noon sa sarili. Kukunin ko ang lahat ng kaligayahang maaaring maibigay sa akin ng perang iyon. At ang pagkakilala ko noon sa kaligayahan ay iyong lagi kang may kalong na babae. Iyong may maganda kang bahay, kotse, mga utusan. Nabibili mo ang gusto mo. Napupuntahan mo ang gusto mong puntahan. Natitikman mo ang gusto mong matikman. Kaya lustay rito, lustay roon, ang ginawa ko. Nagalit ang kapatid ko. “Bakit hindi mo puhunanin sa negosyo ang k’warta mo?” tanong niya. Pero ayokong magnegosyo. Nakita ko kung gaanong hirap ang inabot ni Daddysa pagnenegosyo. At mismong si Daddyang nagsabi na walang katahimikan ang isang naghahawak ng mabibigat na katungkulan. Naisip ko tuloy na mali ang panuntunan niya sa buhay. Ang paghanap ng salapi, nasabi ko noon sa sarili, ay hindi nakapagpapaligaya. Ang paggasta niyon ang nakapagpapaligaya.

            “At napatunayan mo naman na tama ka?” patlang ko.

            “Hindi, brad,” malungkot na sagot niya. “Hindi ko matagpuan ang aking buhay… ang hinahanap kong kaligayahan.”

            “Hindi ka pa maligaya sa buhay mong ‘yan?”

            “At ang parteng ‘yon ang masakit, brad… iyong alam mong nasa iyo na ang lahat para lumigaya ka ay hindi ka pa rin maligaya. Ikaw, kung hindi ka man maligaya, alam mo na lang kung bakit. Pero ako’y hindi ko alam, bagama’t nadarama kong may hinahanap ako na di ko naman malaman kung ano. Ano pa ang kulang sa akin? Nakapaglibot na ako sa daigdig. Saliksing ko na ang Pilipinas. Nagsugal ako… alak… babae. Binili ko ang bawa’t maisipan kong luho. Santambak nang libro ang nababasa ko. Nag-aral pa ako ng piyano pagka’t baka ‘ka ko nasa sining ang hinahanap ko. Wala! Wala!

NAKARINIG ako ng sunud-sunod na busina at nang dumungaw ako sa bintana ng apartment na inuupahan namin ay nakita ko ang Thunderbirdni Emmanuel.

            Pinapagbihis ako ni Emmanuel. Nagtungo kami sa isang cocktail lounge sa Malate, at uminom.

            “Baka sa isang buwan ay maalis ako, brad,” pagbalita niya. “Gusto kong maglakbay.”

            “Hindi ba’t nakapaglakbay ka na?”

            “Pero iba ito, brad. Malamang ay wala nang balikan ito!”

            Nayanig ako. Ngunit hindi ako nagpahalata.

            “Paano ang mga ari-arian mo rito?” tanong ko.

            “Ililipat ko sa kapatid ko.”

KUNG ako’y babae, marahil ay iniyakan ko ang paghihiwalay namin ni Emmanuel. Lumulubog na ang araw at malakas ang hangin sa paliparan. Nagkamay kami nang mahigpit. Nakangiti si Emmanuel ngunit hindi maganda ang kanyang ngiti, at naisip ko na marahil ay gayon din ang pagkangiti ko.

            Nang lumulan siya sa eruplano, naisip ko na marahil ay nakita ko siya sa huling pagkakataon.

MAHIGIT na dalawang taon ang tumalilis na wala akong naririnig na ano man hinggil kay Emmanuel. Ngunit nang hindi na ako umaasang mababalitaaan pa siya ay saka naman siya sumulat sa akin. Ang sulat ay buhat sa isang hindi kilalang nayon sa Mindanaw.

            Ang simula ng liham ay paglalahad sa kanyang paglalagalag. Nakarating umano siya sa Haiti, sa Honduras, sa mga nayon sa kasukalan ng Aprika, sa kung saan-saan pang lupalop.

…Sa isang bapor na patungong Estados Unidos ay nakatagpo ko si Dennis Owens, isang manggagamot na Amerikano na kabilang sa Pandaigdig na Samahan ng Panggagamot (Medical International Cooperation) na pinakikilos ng pandaigdig na abuluyan. Ang bumubuo ng samahang ito ay nakakalat sa mga bahagi ng daigdig na wala pang puwang ang medisina. Ang paglilingkod nila ay kusangloob, hindi naghihintay ng ano mang pabuya.

            Aywan ko kung bakit nakalukuhan kong sumama sa tropa nina Owens. Natalaga kami rito ngayon sa isang ilang na nayon sa Mindanaw. Dito’y ginalugad namin ang mga liblib, naglalapat ng lunas sa mga may karamdaman.

            Huling–huli ang kabihasan dito. Sa ilang nayong napuntahan namin, ang mga babae ay naiimpeksiyon dahil sa maling paraan ng panganganak. Hindi nila alam kung ano ang nangyayari sa isang may sakit na tuberkulosis. Ang mga may malarya ay pinauusukan ng arbularyo.

            Malaking hirap din naman ang inaabot namin dito. Milya-milya ang aming nilalakad. Kung saan kami gabihin ay doon kami natutulog, nangangamba sa mga katutubong hindi nakauunawa sa aming layunin. Ang ilan sa kanila ay naghihinala na masama ang aming pakay at umano’y nagtataglay ng lason ang aming pang-iniksiyon!

            May mga pagkakataon na hindi kami nakatitikim ng pagkain. Kapag nakahitik ako ng sigarilyo ay para na akong nasa glorya! Nalimutan ko na ang lasa ng alak. Ngunit alam mo ba, brad, na dito’y natagpuan ko ang aking buhay?