“Naku, salamat at dito s’enyo natuloy ang batang ‘to!” Hindi nalingid kay Ditas ang tila paghabol nito ng hininga.

Ni ERLINDA NAMORA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 19, 1961)

PINILI ni Ditas ang isang upuan sa dakong hhulihan ng trak na kanyang sinakyan. Nais niyang mapag-isa. Nais niyang masarili ang mga sandali. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Ayaw niyang bigyan ng puwang ang ano mang dadalaw sa kanyang isip. Ibig niyang makalimot.

            “Sa Lola na lang ako pupunta,” naibulong niya sa sarili. Umalis siya sa kanila nang hindi alam ang tiyak na pupuntahan. Kung sa kanyang Lola Dencia o Tiyo Paking na kapatid ng kanyang ina. Sa bus na lamang siya nakapagpasiya. “Higit akong mauunawaan ng Lola!”

            Ngunit tila tuksong naninikita sa kanyang isip ang larawan ng kanyang ama. Masayang-masaya. Sa piling ng isang babaing hindi niya ina.

            Naramdaman ni Ditas na nag nag-iinit ang kanyang mga mata. Naninikip ang kanyang dibdib. Ibinaling niya ang paningin sa labas ng bintana upang libangin ang sarili sa mga tanawin sa daan. Upang masugpo ang nagngangalit na alon ng damdaming nagbabantang lumunod sa kanya.

            Sa kanyang mga mata ay may namumuong luha na nagpapalabo sa kanyang paningin.

            “Kung hindi ba siya nag-asawang muli…” hindi magkatinig ang kanyang nadarama.

            Napahiya pa si Ditas nang makitang nakatayo sa kanyang tabi ang kundoktora. Nakatitig sa kanya. Binuksan niya ang kanyang kalupi subali’t nang matambad sa kanyang paningin ang larawang nakangiti sa loob niyon ay muling parang sinaksak ang kanyng dibdib. Nangangatal ang kanyang mga daliri nang iabot sa kundoktora ang pamasahe.

Nang tumalikod na ang kundoktora, naiwang muli si Ditas sa pag-iisa. Namalayan niya ngayong may luhang umaagos sa kanyang mga pisngi.

Dinampian ni Ditas ng panyolito ang kanyang mga mata. Muli siyang pumikit. Ngunit parang tuksong muling nagkahugis sa kanyang isip anng mga pangyayaring nakaraan.

“Bakit, ‘Tay?” nagunita ni Ditas na tanong niya sa kanyang ama isang gabing magkakaharap sila sa salas. Napansin niyang parang nawawala ang sarili niyon sa pagkakatutok nng paningin sa kisame gayong may hawak na pahayagan.

            Napabaling kay Ditas ang paningin ng kanyang ama. Napatawa.

            “Para kayong tin-edyer na in love, a!” At binuntutan niya ng halakhak ang kanyang sinabi.

            Buhat nang mamatay ang kanyang ina, limang taon na ang nakararaan ay naging malapit na malapit siya sa Tatay niya. Ang dating paglalambing na ginagawa niya sa kanyang ina ay sa ama niya napapabaling, palibhasa’y nag-iisa siyang anak.

            “Ano kaya kung mag-asawang muli ako?” Alangang sa sarili at alangang kay Ditas nnagsasalita. Nakita niyang pormal ang anyo ng kanyang ama.

            “Itay!”

            “Bata pa naman ako, a,” at ang kanyang ama naman ang tumawa.

Napapitlag pa siya nang may marinig na tumatawag sa may hagdanan. Mabilis siyang napatindig. Hindi na niya nais iwasan ang kanyang ama… nguni’t napatda siya nang makita kung sino ang pumapannhik. Isang babaing humigit-kumulang sa tatlumpu’t limang taong gulang, kagalang-galang at payak. Hindi siya nakakibo. Parang may nagbubulong sa kanya kung sino iyon. Ang Lola Dencia niya ang nagsalita.

            “Apatnapung taon pa lamang naman ako. Alam mo, Ditas,” at may lumitaw na kislap sa mga mata niyon, “may nakilala akong matandang dalaga. Ulila na sa ina, kaya tumanda dahil sa siya ang nagpapaaral sa kanyang mga kapatid. Napakabait niya.

            Bigla ang pagkakaramdam ni Ditas ng paninikip ng dibdib. Bigla rin siyang napatindig. At patakbo niyang iniwan ang ama. Ni hindi niya pinansin ang pahabol na pagtawag niyon.

            Kinabukasan ay hindi na binanggit ng kanyang ama ang tungkol sa bagay na iyon. Maging nang mga sumunod na araw. Inakala tuloy niyang baka nagbibiro lamang ang kanyang ama. Ngunit nagkamali siya.

            Katatapos lamang nilang maghapunan isang gabi nang muli siyang kausapin ng kanyang ama.

            “Mahal mo ba ako, Ditas?” simulang wika nito sa kanya.

            “Bakit ka nagtanong ng ganyan, Tatay?” kinakabahan niyang sagot.

            “Wala, ang ibig ko lang sabihin e… kung talagang mahal mo ako’y hindi ka tututol sa ano mang makapagpapaligaya sa ‘kin.”

            “Ano’ng ibig ni’yong sabihin?” nangangambang tanong ni Ditas.

            “Alam kong hindi mo pa nalilimutan ang sinabi ko sa’yo noon tungkol  sa isang matandang dalaga. Pakakasalan ko siya, “walang kagatul-gatol na sabi ng kanyang ama.”

            Nanuyong bigla ang lalamunan ni Ditas. Nakagat niya nang mariin ang kanyang mga labi. Napaiyak siya. Lumapit ang kanyang ama sa kanyang likuran. Buong pagmamahal na hinaplus-haplos siya sa likod at buhok.

            “Tay, mahal na mahal ko kayo, pero ayokong palitan ni’yo ang Nanay!” humihikbi niyang sabi.

            “Kung mag-aasawa man akong muli ay hindi sapagka’t gusto kong palitan ang iyong ina.”

            “E ano pa nga ba ho iyon?” At tinalikuran niya ang kannyang ama. Ayaw na niyang marinig ang sasabihin nito tungkol sa ibang babae. Naghihimagsik ang kanyang kalooban subali’t higit na namamayani ang takot na pinipilit niyang takpan ng galit.

            At kahapong pagdating ni Ditas buhat sa paaralan ay naratnan niyang nangyari rin ang bagay na kanyang kinatatakutan. Pagpasok niya sa silid ay naulinigan niyang may kausap ang kanyang ama sa silid nito na kanugnog lamang ng sa kanya. Noon lamang niya narinig ang tinig na iyon.

            Subali’t natitiyak na niyang iyon ang kahalili ng kanyang ina. Magdamag siyang umiyak. Hindi siya lumabas sa kanyang silid. Kahhit ano ang pagsamo ng kanyang ama, na tinulungan pa ng pakiusap ng may-ari ng bagong tinig.

MUNTIK pang makalampas si Ditas sa tapat ng bahay ng kanyang Lola Dencia. Mabilis siyang umibis. Gulat na gulat ang matanda nang makita siya.

            “Ano, ba’t ka biglang napasugod?” salubong niyon at kinuha ang maletang dala-dala niya.

            “Ayaw ni’yo bang dalawin ko kayo?” Sinikap niyang maging masaya.

            “‘Kaw lang naman ‘tong ayaw sa ‘kin, e!” parunggit ng kanyang lola.

            “Ngayon, Lola, tiyak na magtatagal ako rito. Dito na ako titigil kung gusto ni’yo.”

            “Niloko mo na naman ako!”

            “Talaga, Lola. Dala ko na’ng lahat ang aking damit.”

            “Siya, siya! Magpalit ka na ng bihisan at nang makapagpahinga ka na tuloy.” Inihatid pa siya ng kanyang lola hanggang sa kanyang silid. Mayroon siyang sariling silid na ginagamit sa bahay na iyon.

            Nagpalit siya ng damit-pambahay. Lumabas siyang muli at tinulungan ang kanyang lola sa kusina. Masaya siyang nakipag-usap.

            “E kumusta naman ang Tatay mo? Naiisip pa rin ba ang pag-aasawa?” Nabigla si Ditas sa di inaasahang itanong ng matanda.

            Matagal siyang hindi nakakibo. Naramdaman niyang may namuong luha sa sulok ng kanyang mga mata.

            “Teka nga!” At nilapitan siya ng kanyang lola. “Magsabi ka ng totoo. Natuloy din ang Tatay mo, ano?”

            Isang marahang tango lamang ang naitugon niya na sinundan ng ilang pagtaas at pagbaba ng kanyang balikat.

            “Ayun… sabi ko na nga ba’t me milagro, e. Umalis ka sa inyo, ano?” muling usig ng kanyang lola.

            Isang marahang tango uli ang naging katugunan niya.

            “Minsan nga, e, nagpunta dito ang Tatay mo. Nasabi sa ‘kin na ayaw na ayaw mo raw mag-asawa siya uli. Nanatili siyang walan kibo.

            “At nang sumunod na punta niya rito ay ipinakilala na sa akin.”

            “Nagawa niya ‘yon, Lola?” Ayaw niyang paniwalaan ang narinig.

            “Lalong masama kung hindi niya ‘yon ginawa. Mukhang mabait naman siya, Ditas.”

            “Ano’ng malay ni’yo?”

            “Maniwala ka sa ‘kin!” Isang buntunghininga muna ang pinalaya ng matanda bago ipinagpatuloy ang sinasabi. “Ulila na rin siya sa ina. Tatlo silang magkakapatid. Nag-asawa uli ang kanyang ama. Sa kasamaang-palad ay tulad ng kinatatakutan mo. Malupit. Sapagka’t may hanapbuhay naman siya ay humiwalay silang tatlong magkakapatid. Siya ang naging ina at ama ng kanyang mga kapatid. Kinalimutan muna niya ang sariling kaligayahan.“ At inakbayan siya ng kanyang lola. “Dalawa ang puputlan mo ng kaligayahan kapag hindi ka nagbigay. Ang iyong ama at siya. Hindi naman niya papalitan ang iyong ina. Tatakpan lamang niya ang puwang na naiwan ng iyong ina.

            Ayaw pa ring sumilang ang mga kataga sa labi ni Ditas. Hindi niya inasahang marinig ang sinabi ng kanyang lola.

            Napapitlag pa siya nang may marinig na tumatawag sa may hagdanan. Mabilis siyang napatindig. Hindi na niya nais iwasan ang kanyang ama… nguni’t napatda siya nang makita kung sino ang pumapannhik. Isang babaing humigit-kumulang sa tatlumpu’t limang taong gulang, kagalang-galang at payak. Hindi siya nakakibo. Parang may nagbubulong sa kanya kung sino iyon. Ang Lola Dencia niya ang nagsalita.

            “Halika, tuloy, Luming.”

            “Naku, salamat at dito senyo nagtuloy ang batang ‘to!” Hindi nalingid kay Ditas ang tila paghabol nito ng hininga. Tila pagal na pagal. At parang kilalang-kilala na siya. Inakbbayan agad siya nang makarating sa kanyang kinatatayuan. Hindi naman niya nagawang palisin ang kamay nito. “Alalang-alala na ‘ko kanginang makita kong wala ka sa ‘yong silid at wala pati ng mga damit mo sa aparador,” masuyong sabi si kanya. Wala siyang madamang bahid ng pagkukunwari sa tinig nito.

            Hindi siya kumibo. Wala siyang masabi.

            “Alam n’yo, Inay,” sa kanyang lola naman bumaling at humalik ng kamay.

            “Sumabay ako kangina kay Pepe pagpasok sa opisina. Maaga nga kaming gumising at nagsimba kami bago siya nagtuloy sa opisina at ako nama’y sa pamimili. Mula nang malaman kong ayaw sa ‘kin ni Ditas ay wala na ‘kong ipinananalangin kundi ang kanyang pag-unawa. Kangina nga’y naisip kong kakausapin ko siya pero wala nangg ako’y dumating. Dito ko agad naisip na sundan siya dahil sabi niyo’y  kayo ang takbuhan ng batang ‘to. Salamat at dito nga siya nagpunta.

            May napukaw sa dibdib ni Ditas ang mga katagang kanyang narinig. Wala pa rin siyang maapuhap sabihin, bagama’t may natitiyak na siya sa kanyang sarili. Ang maamo nitong mukha’y  nahihiyasan ng tila nagsusumamong mga mata.

            Nanatiling pinid ang kanyang mga labi hanggang sa makarating sila sa salas. Sa kanyang tabi rin naupo ang kanyang tiya.

            “Nasabi sa ‘kin ng Inay nang minsang isama ‘ko rito ng Tatay mo na natatakot kang baka malupit ako,” sabi ng kanyang Tiya nang sandaling lumabas ang kanyang lola upang tingnan ang niluluto.

            Napatungo si Ditas. Nakadama siya ng hiya. Hindi niya matiyak kung sa kanyang sarili o sa nagsasalita.

            “Ewan ko, Ditas, ngunit sa akala mo kaya’y magagawa kong ipatikim sa ‘yo ang pait na minsan ko nang pinaghimagsikan? Uulitin ko pa kaya ang isang bagay na alam kong walang ibubugang mabuti? Umuwi ka na sa ‘tin Ditas.”

            Napatuwid ng upo si Ditas. Napatingin siya rito. Nasalubong ng kanyang paningin ang nagsusumamo nitong mga mata. Wala pa rin siyang masabi. Inabot nito ang isang kamay niya. Marahang pinisil iyon, at hindi niya nabawi ang kanyang kamay.